Minamahal ng amo sa abroad pero ang sariling mister sa Pilipinas naman ang nambubugbog. Ganito umano ang mapait na karanasan ng isang overseas Filipino worker (OFW) na nagtatrabahong domestic helper sa Kuwait na kinaawaan ng marami nang hindi siya nakaalis ng bansa dahil sinira ng nagseselos niyang mister ang kaniyang passport at boarding pass sa Ninoy Aquino International Airport.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," napag-alaman na tubong-Capiz ang mag-asawang itinago sa mga pangalang Alfred at ang OFW na si Abby, na naging laman ng mga balita noong nakaraang linggo dahil sa nangyaring insidente sa airport.
Palipad na sana patungong Qatar si Abby para bumalik sa kaniyang trabaho sa Kuwait, pero hindi niya alam na inabangan pala siya ng kaniyang asawang si Alfred na nagtatrabaho noon sa Batangas.
Kuwento ng ate ni Abby na si Nora, menor de edad lang noon ang kaniyang kapatid nang mag-asawa.
Tutol daw sila na mag-asawa si Abby sa murang edad pero pumayag na rin sila dahil hangad nila ang kaligayahan nito.
Ngunit dahil walang trabaho si Alfred, naisipan ni Abby na magtrabahong domestic helper noong 2016 kahit pa buntis siya.
Nagkaroon ng tatlong anak sina Alfred at Abby na nasa pangangalaga ngayon ni Nora. Ang masuportahan ang pangangailan ng mga bata ang dahilan kaya nakikipagsapalaran si Abby sa Kuwait.
Kuwento ni Nora, ang perang padala ni Abby, winawaldas umano ni Alfred.
"Kapag may pera siya nag-iinom parang ngang hindi na niya iniintindi mga anak niya," sabi ni Nora.
Ang ikinakasama pa ng loob ni Nora, minsan na nga lang sa isang taon umuwi si Abby, sinasaktan pa umano ito ni Alfred.
Ngunit hindi raw kaagad nagsumbong sa kanila si Abby dahil ayaw nitong masira ang kaniyang pamilya. Umaasa umano si Abby na magbabago pa ang kaniyang asawa.
At ang ugat ng pananakit, selos.
"Yung kapatid namin minamahal ng amo pero pag-uwi dito, yung asawa naman ang nambubugbugo. Dito sa bahay niya parang impiyerno rin," hinanakit ni Nora para sa kapatid.
Nitong Disyembre, umuwi ng Pilipinas si Abby para magbakasyon. At noong bisperas ng bagong taon, nag-inuman ang mag-asawa kasama ang kaibigan ni Alfred.
Pero ang inuman, nauwi rin sa pananakit umano ni Alfred kay Abby dahil pinagselosan ng mister ang mismong kaibigan niya.
Ayon kay Nora, paulit-ulit na inaakusahan ni Alfred si Abby na may ibang lalaki.
Kinalaunan, lumuwas na sa Batangas si Alfred para magtrabaho. Kasabay nito ang pagpapadala niya ng mensahe kay Abby para muling makipagkasundo.
Pero hindi sumasagot si Abby dahil desidido na siyang hiwalayan na ang asawa. Hanggang sa mangyari na ang tagpo sa airport kung saan inabangan ni Alfred si Abby na pabalik na sana sa Kuwait.
Sa panayam, aminado si Alfred sa kaniyang pagseselos pero itinanggi niyang winawaldas niya ang pera ng asawa. Hindi rin daw niya sinasaktan si Abby.
Makabalik pa kaya si Abby sa kaniyang trabaho sa Kuwait at ituloy kaya niya ang kasong isasampa laban sa kaniyang mister na si Alfred? Panoorin sa video ng KMJS ang buong kuwento. --FRJ, GMA Integrated News