Bigong makabalik sa kaniyang trabaho sa Qatar ang isang ginang na overseas Filipino worker (OFW) makaraang sirain ng kaniyang mister ang kaniyang boarding pass at passport sa Terminal 1 ng Ninoy Aquino International Airport. Ang mister na inaresto, inaming ayaw niyang paalisin ang kaniyang misis.
Sa ulat ni Maki Pulido sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, napag-alaman na pitong taon nang nagtatrabaho sa Qatar ang OFW.
Nakatakda sana siyang bumalik sa Qatar nitong Miyerkules nang sirain ng kaniyang mister ang kaniyang passport at boarding pass.
“Ayaw niya ngayon na umalis ako pero sabi ko magtatrabaho ako para sa mga anak natin,” ayon sa biktima.
Nakipaghiwalay na umano siya sa kaniyang asawa dahil sa ginagawang pananakit sa kaniya.
“Ayoko na nga tumira doon kasi binugbog niya ako. Ano hintayin ko patayin pa niya ako? Seven years ako nagtatrabaho dun, walang trabaho 'yan,” dagdag ng ginang.
Inaresto ng mga tauhan ng Philippine National Police Aviation Security Group (PNP-AVSEGROUP) ang mister dahil sa ginawa nito.
Ayon sa mister, naisipan niyang punitin ang pasaporte at boarding pass ng asawa dahil tila ayaw na siyang makita nito.
“Pagbaba ng bus ang bilis. Parang ayaw na akong makita e. Kaya naisipan ko punitin para hindi makaalis," saad niya.
Hindi niya alam kung itutuloy ng kaniyang misis ang reklamo laban sa kaniya.
Nahaharap ang mister sa mga reklamong paglabag sa Philippine Passport Act at Violence Against Women and Children Act (VAWC).
Sa kasong pagsira pa lang sa pasaporte, posibleng patawan ang mister ng parusang pagkakabilanggo nang hanggang anim na taon, at multang na aabot ng mula P60,000 hanggang P150,000.
Ang mga lumabag naman sa VAWC law, umaabot ng anim na buwan hanggang 20 taon ang parusa, at multa na mula P100,000 hanggang P300,000.
Sinabi naman ng Department of Foreign Affairs (DFA) na sinusubukan nilang makausap ang biktima.
Pinayuhan ng DFA Consular Office ang biktima na makipag-ugnayan sa kanila para matulungan tungkol sa pasaporte nito. -- FRJ, GMA Integrated News