Muling hiniling ng pamahalaan ng Pilipinas sa gobyerno ng Indonesia ang kapatawaran para kay Mary Jane Veloso, ang Pinay na hinatulan ng kamatayan dahil umano sa pagpupuslit ng ilegal na droga.
Inihayag ng Pilipinas ang kahilingan ilang oras bago dumating sa bansa para official visit si Indonesian President Joko Widodo, ayon sa ulat ng Agence France-Presse.
Naaresto si Veloso noong 2010 sa Indonesia dahil sa pagdadala umano ng 2.6 kilograms (5.7 pounds) ng heroin.
Iginiit ni Veloso na hindi niya alam na may droga sa bitbit niyang maleta na ipinadala sa kaniya papunta sa Indonesia.
Noong 2015, nakaligtas si Veloso sa firing squad nang maaresto sa Pilipinas ang babae na sinasabing nag-recruit sa kaniya.
"We're working to see whether we can find a way towards resolving the case soon, and clemency," sabi ni Foreign Secretary Enrique Manalo sa mga mamamahayag matapos makipagpulong sa kaniyang Indonesian counterpart na si Retno Marsudi sa Maynila.
Matapos ang naturang pulong, muling inihayag ni Manalo ang kahilingan ng Pilipinas na clemency para kay Veloso, ayon kay DFA spokeswoman Teresita Daza.
Ginawa na rin ni Manalo ang naturang kahilingan noong 2022.
Nakatakdang dumating sa Pilipinas si Widodo ngayong gabi ng Martes. — AFP/FRJ, GMA Integrated News