Walang Pilipino na iniulat na nasawi sa malakas na lindol na tumama sa Japan pero may ilang lumikas dahil sa banta ng tsunami, ayon kay Philippine Ambassador to Japan Mylene Garcia-Albano.
Sa panayam ng Dobol B TV nitong Martes, sinabi ni Gracia-Albano, na ang mga Pinoy na lumikas ay mula sa Ishikawa Prefecture, isa sa mga lugar na matinding tinamaan ng 7.6-magnitude na lindol nitong Lunes.
“Kagabi, nag-report po sa amin na merong 35 Filipinos na nag-evacute daw po sa city hall kasi after po ng tsunami warnings na na-issue kahapon,” pahayag ng opisyal.
Matapos ang lindol, naglabas ng tsunami warning ang mga awtoridad na posibleng lumikha ng malaking alon na hanggang five meters ang taon sa mga coastal area.
Nauna na ring iniulat ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Eduardo de Vega sa GMA News Online na walang Filipino casualties sa nangyaring lindol, batay sa impormasyon mula sa Office of the Undersecretary for Migrant Workers (OUMWA).
“The Filipino community has been contacted and no reports of any [Filipino] casualty at this time,” anang DFA-OUMWA.
Naglabas ng abiso ang Philippine Consulate General sa Nagoya para sa Filipino community at masusi umanong sinusubaybayan ng tanggapan ang nangyayari sa Japan.
Iniulat ng mga awtoridad sa Japan na 30 katao ang nasawi sa Ishikawa prefecture, at kalahati nito ay nasa Wajima.
Ayon sa DFA, 298,740 ang Pinoy sa Japan, at 1,300 sa mga ito ang nasa Ishikawa prefecture.
Sinabi naman ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) administrator Arnel Ignacio, na masusi ring nakasubaybay ang kanilang mga opisyal sa kalagayan ng mga Pinoy doon.
“OWWA welfare officers are also monitoring. Ishikawa prefecture and coastal areas of Toyama, Fukui, and [Hyogo] were all given tsunami warnings. All precautionary steps for safety are all being taken,” ani Ignacio. —FRJ, GMA Integrated News