Matapos ang Pasko, balik-trabaho na sa ibang bansa ang ilang overseas Filipino workers. Ang iba sa kanila, muling naging emosyonal dahil kailangan na naman nilang iwan ang kanilang mga mahal sa buhay.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, kabilang ang magtiyahin na sina Mary Jane Palonpod at Geraldine Sungahi, sa mga OFW na nagtungo sa Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport para bumalik na sa kani-kanilang trabaho sa ibang bansa.

Nais pa sana ng dalawa na sa Pilipinas salubungin ang 2024 kasama ang kani-kanilang mga mahal sa buhay pero hindi na maaari dahil tinawagan na sila ng kanilang mga employer sa Middle East.

"Malungkot po [na] malayo sa pamilya lalo na bagong taon pero kailangan po kasi para sa mga bata," sabi ni Sungahi na kinalaunan ay hindi na napigilan na lumuha.

"Mahirap kasi dito sa 'Pinas maghanap ng trabaho kasi maraming hinahanap... hindi ka madaling makapasok lalo na kung hindi ka graduate ng college," dagdag niya.

Mami-miss daw ni Palonpod nang sobra ang dalawa niyang anak na maiiwan niya sa Pilipinas.

"Kung puwede lang hindi kami umalis, hindi kami aalis," saad niya. "Pero kailangan eh lalo na ngayon magbabagong taon dapat kasama pa namin sila kaso lang kailangan nang umalis," patuloy niya.

Ayon kay Palonpod, sadyang mahirap ang buhay sa Pilipinas.

Ang OFW na sa Hong Kong na si Glenn Mauleon, hindi pa rin daw nasasanay na mawalay sa pamilya kahit 14 na taon na siyang nagtrabaho sa abroad.

Pero ang lahat ng kaniyang sakripisyo at pagtitiis na malayo sa mga mahal sa buhay ay ginagawa niya para mabigyan ng magandang kinabukasan ang kaniyang mga anak.

Kung may malungkot, mayroon ding masaya na aalis gaya ni Sherwin Ducusin, na kasama ang kaniyang anak na pupuntang Taiwan.

Sa Taiwan sasalubungin ng mag-ama ang bagong taon, at doon na rin makakasama ni Sherwin ang kaniyang asawang OFW na isang taon na niyang hindi nakikita.

"Excited kasi doon kami magnew-new year. Saka itong anak ko excited na makita ang mama niya," ayon kay Sherwin. -- FRJ, GMA Integrated News