Nagbigay-pugay at pinasalamatan ni Vice President Sara Duterte nitong Lunes ang mga overseas Filipino workers (OFWs) at mga frontline worker na hindi kasama ang kanilang mga pamilya sa araw ng Pasko dahil sa kanilang mga trabaho.

Sa hiwalay na video messages na naka-post sa kaniyang social media page, kinilala ni Duterte ang mga sakripisyo at kontribusyon ng OFWs, at iba pang Pinoy na nasa labas ng Pilipinas.

“Dahil sa inyong mga sakripisyo, ang ating ekonomiya ay nananatiling matatag. Kayo ang repleksyon ng progreso at talento na nag-aangat sa bandila ng Pilipinas saan mang panig ng mundo. Maraming salamat sa inyong lahat, ang mga bagong bayani ng ating bansa,” ayon sa pangalawang pangulo.

Sinabi ni Duterte na suportado niya ang hangarin ng mga OFW na magkaroon ng mas magandang bukas.

“Ang lagi kong dasal na ang inyong mga pagsisikap ay masusuklian ng tagumpay upang ang inyong mga anak, pamilya, at sarili ay magkaroon ng maginhawang kinabukasan. Makakaasa kayo na ako ay nasa inyong likuran upang sumuporta sa inyong mga pangarap, pagsisikap, at sa inyong paglalakbay tungo sa magandang kinabukasan,” pahayag niya.

Kasama rin sa binigyang-pugay ni Duterte sa kaniyang pagbati ang mga frontliner katulad ng mga sundalo, pulis, bumbero at health workers, na hindi rin kasama ang kani-kanilang pamilya sa Pasko upang gampanan ang kanilang mga tungkulin.

Sabi ni Duterte, ang sakripisyo ng mga frontliner ay nagbibigay ng karangalan sa kani-kanilang pamilya.

“Ang inyong walang pag-iimbot na pangako at kahandaang magsakripisyo para sa Diyos, ating bansa, at inyong mga pamilya ay nagsisilbing tanglaw ng pag-asa at katatagan. Kayo ay sumisimbolo ng katapangan at pagkakawanggawa habang pinoprotektahan ninyo ang ating bansa,” ayon sa pangalawang pangulo. —FRJ, GMA Integrated News