Itinuturing bayani ang isang Pinoy nurse sa Ireland dahil sa ginawa niyang pagtulong sa isang batang nasaksak sa gitna nangyayaring kaguluhan sa Dublin noong nakaraang Nobyembre.
Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Lunes, papunta sa kaniyang graduation si Leo Ralph Villamayor nang sumiklab ang riot at magkaroon ng insidente ng pananaksak.
Isang bata ang natumba sa kaniyang harapan na kabilang na pala sa mga nasaksak ng suspek.
Binigyan ni Villamayor ng paunang lunas ang bata hanggang sa madala ang biktima sa ospital.
Pero habang tinutulungan pala ni Villamayor ang bata, patuloy sa pagwawala ang suspek na isang Algerian immigrant at naaresto rin kinalaunan.
Hindi raw inakala ni Villamayor na may matutulungan siyang tao sa labas ng ospital.
Dahil sa ginawa ni Villamayor na pagtulong sa bata sa gitna ng kaguluhan, kinilala siyang bayani ng Irish Embassy sa Pilipinas.
"That time ang iniiisip ko lang po sana ok siya [biktima]," ani Villamayor na batay daw sa natanggap niyang impormasyon ay nakaligtas ang tinulungan niyang biktima. --FRJ, GMA Integrated News