Pinagtataga ng isang lalaki ang kaniyang hipag hanggang sa mamatay sa Lobo, Camarines Norte. Ang hinihinalang isa sa mga ugat ng krimen, ang ipinapadalang pera sa kanila ng misis ng suspek na isang domestic helper sa Kuwait.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing magdadalawang taon nang OFW sa Kuwait si Mary Ann Villagen. Naiwan niya sa Pilipinas ang kaniyang mister na suspek na si Raynaldo, at ang apat nilang anak.
Sa kaniyang buwanang sahod, nagtatabi lang si Mary Ann ng kaniyang panggastos sa Kuwait, habang ang natitira ay ipinapadala na niya sa Pilipinas.
Ang kalahati sa kaniyang ipinapadala sa Pilipinas, ibinibigay niya sa kaniyang mister bilang pangtustos sa pangangailangan ng kanilang pamilya.
Ang kalahati naman nito, ibinilin ni Mary Ann sa kaniyang mister na ibigay sa kaniyang kapatid at biktima na si Alma para ipunin o gawing savings.
Paliwanag ni Mary Ann, kay Alma niya ipinapatabi ang kaniyang saving dahil wala siyang tiwala sa kaniyang mister na si Raynaldo na isang sugarol at lasinggero umano.
Minsan na rin daw siyang sinaktan ng kaniyang mister noon kaya binalak na sana niya itong hiwalayan.
Pero humingi raw ng tawad ang lalaki at idinahilan na lasing lang siya kaya niya napagbuhatan ng kamay ang asawa.
Dahil nais ni Mary Ann na mapanatiling buo ang kaniyang pamilya, pinili niyang makisama pa rin kay Raynaldo.
Bagaman pumayag si Raynaldo sa kasunduan na si Alma ang magtatabi ng saving ni Mary Ann, hindi nila alam na minasama pala ito ng suspek.
Nakadagdag din daw sa galit ng suspek ang panghihimasok ni Alma sa problema ng kanilang pamilya.
Hanggang noong Nobyembre 14, habang nakikipag-inuman si Raynaldo, nakita niya si Alma na kaniyang pinagtataga sa ulo at katawan na kaagad na ikinasawi ng biktima.
Si Raynaldo, nag-text pa sa kaniyang asawa na si Mary Ann sa Kuwait para ibalita ang ginawa nito kay Alma na kaniya nang pinatay.
Noong una, inakala ni Mary Ann na niloloko lang siya ng kaniyang mister, pero nakumpirma niya ang karumal-dumal na sinapit ng kaniyang kapatid nang mag-chat na rin ang iba niyang kaanak.
Kaya ang plano sanang pag-uwi ni Mary Ann ngayong taon para masayang magsalo-salo ang pamilya sa Pasko, napalitan ng pagdadalamhati dahil sa nangyaring trahediya sa kaniyang kapatid.
Paliwanag ng suspek, nagawa niya ang krimen dahil panay umano ang daldal ng biktima nang nakikipag-inuman siya. Nang makakuha siya ng itak, pinagtataga niya si Alma.
"Na-black [blangko] po ako sa ginagawa ko. Yung pala tinataga ko na yung babae na 'yon," patuloy niya.
Sabi pa niya, hindi lang tungkol sa pera ang ugat ng kaniyang galit dahil nakikialam din umano si Alma sa kanilang mag-asawa.
Plano rin daw siyang palayasin kapag umuwi na si Mary Ann. Pero pinagsisisihan na niya ang kaniyang ginawa.
Nahaharap ngayon sa kasong murder si Raynaldo na walang piyansa.
Nais naman ni Mary Ann na mabigyan ng katarungan ang kaniyang kapatid.
Payo ng eksperto, mahalaga na may bukas na komunikasyon ang pamilya para hindi mauwi ang hindi pagkakaunawaan sa karahasan, demandahan o makaapekto maging sa mental health. -- FRJ, GMA Integrated News