Pinayuhan ng Philippine Embassy sa Lebanon ang mga Pinoy na nasa southern area ng nasabing bansa na umalis sa lugar na malapit sa border ng Israel dahil sa tumitinding iringan ng dalawang bansa.
"Due to the persistent tension in Lebanon's southern border, posing a significant threat to the safety and security of civilian residents, the Philippine embassy urges all Philippine nationals close to the border to evacuate preemptively to ensure their well-being and safety," ayon sa abiso ng embahada.
Hindi pa tiyak kung ilan ang mga Pinoy sa nasabing lugar na malapit sa border pero inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nasa 17,537 ang Philippine nationals ang nasa Lebanon.
Dahil sa maselang sitwasyon sa southern area ng Lebanon, pinapayuhan ng embahada ng Pilipinas na huwag o iwasan nang pumunta roon.
Kasabay nito, pinayuhan din ang Filipino sa nasabing lugar na makipag-ugnayan sa Philippine Embassy sa Beirut.
Mula nang tumindi ang labanan sa Gaza ng grupong Hamas at Israeli forces, ilang beses na rin nagkabakbakan ang Israeli forces at armadong grupo sa Lebanon na Hezbollah, na sumusuporta sa Hamas.—FRJ, GMA Integrated News