Nasagip sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang babaeng biktima umano ng human trafficking at magtatrabaho bilang entertainer bago pa siya makalipad patungong United Arab Emirates.
Sa ulat ni GMA Integrated News reporter Cedric Castillo sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabi ni Bureau of Immigration spokesperson Dana Sandoval na nagpanggap na turista ang biktima at papunta siya sa Singapore.
Nagpakita ang biktima ng travel authority mula sa Department of Justice, ngunit napag-alamang UAE ang tunay niyang pupuntahan.
“May utang na agad siya bago pa siya pumunta roon because the costs na ginastos doon sa kaniyang fake documents na nakuha ay ibabawas doon sa suweldo niya,” sabi ni Sandoval.
Sa kaniyang pekeng travel authority, makikitang meron itong letter head ng Justice Department at may pirma ni Justice Undersecretary Nicholas Ty, na Undersecretary-in-Charge sa Inter-Agency Council Against Trafficking, na nakatutok sa human trafficking.
Ngunit iba ang pirma ni Ty na nasa dokumento.
“Personally, I am bothered that they have information on my movements, as well as our internal processes, and even tried to use that information for their scheme,” sabi ni Ty sa isang pahayag.
Patuloy na pag-aaralan ng DOJ kung nagkaroon ng paglabag sa batas ang nasagip na pasahero mula sa tangkang human trafficking.
Nasa kustodiya ng IACAT ang babaeng nasagip habang isinasagawa ang imbestigasyon sa insidente.
Sinabi naman ng DOJ na hindi ito simpleng kaso lamang na iisa ang nabiktima.
Inaalam din kung kagaya ng modus ang nabistong Pastillas scheme kung saan may mga pinalulusot na dayuhan sa immigration kapalit ng perang nakarolyo sa papel.
Siniguro naman ng BI na katuwang ito ng IACAT para tukuyin ang mga nasa likod ng hinihinalang sindikato sa loob ng immigration bureau. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News