Inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) na dalawang Filipino ang kabilang sa mga nasawi sa ginawang pag-atake ng Palestinian militant group na Hamas sa Israel. Ang isa, pinagbabaril kasama ang kaniyang amo.
Sa post sa X (dating Twitter) ni DFA Secretary Enrique Manalo, sinabi niya na kinokondena ng Pilipinas ang pagpatay sa Filipino national at iba pang karahasan at iba pang acts of terrorism na resulta ng ginawa ng Hamas laban sa Israel.
"The Philippines is ready to work with other countries towards a long-lasting resolution to the conflict, in accordance with pertinent UN Security Council Resolutions and the general principles of international law," ayon kay Manalo.
Ayon sa Philippine Embassy sa Israel, kinukumpirma sa DNA testing ang posibleng ikatlong biktimang Pinoy.
"There are two confirmed [dead] and one for confirmation," sabi ni Deputy Chief of Mission Anthony Mandap sa GMA News Online.
Sa Palace press briefing, sinabi ng isang opisyal mula sa Philippine Embassy sa Israel na ang mga biktima ay nasawi sa kibbutz nang araw na umatake ang Hamas.
Ayon kay Labor Attaché Rudy Gabasan, isa sa mga biktima ay pinagbabaril sa bahay, habang kabilang naman sa mga tinangay ng Hamas ang isa pa.
"Iyong isa po ay habang pinupuwersa ng militanteng mga terorista iyong kanilang pinto, pagbukas po ng pinto, niratrat po iyong mag-amo, iyong caregiver at saka iyong kaniyang amo," ani Gabasan.
"Iyong isa po ay pinatay pero hindi po namin alam kung anong circumstance pero isa po siya doon sa mga natangay ng Hamas sa kasagsagan po ng pananalasa ng mga terorista," dagdag niya.
Hiniling umano ng pamilya ng mga biktima na huwag nang isapubliko ang kanilang mga pangalan.
Sinabi ni Ambassador to Israel Pedro Laylo Jr. na kakausapin ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang pamilya ng mga biktima.
"Last night in the most difficult phone call of my career, I spoke to the wife of the victims to inform her of this sad news and to convey our sympathies. I promise her that the Embassy will provide all the necessary assistance she needs," ani Laylo.
"The President will also speak to her today to convey his personal condolences and offer additional assistance," dagdag niya.
Ayon sa embahada, mula sa Pangasinan ang isang biktima na 33-anyos na babae. Habang 42-anyos na lalaki naman ang isa pang biktima na mula sa Pampanga.
Una nang iniulat ng DFA na may anim pang Filipino ang nawawala sa Israel.
Sa isang pahayag, ikinalungkot ni Marcos ang pagkasawi ng dalawang Pinoy sa nangyayaring kaguluhan sa Israel. Kinondena niya ang karahasan at terror acts na ginawa sa bansa.
"My heart is heavy upon hearing confirmation of the deaths of two Filipinos in Israel. The Philippines condemns these killings and stands firmly against the ongoing terror and violence," anang pangulo.—FRJ, GMA Integrated News