Isang negosyanteng Filipino sa Los Angeles, USA ang naghain ng guilty plea sa korte sa Boston dahil sa pagpapatakbo ng agency na nag-aayos ng mga pekeng kasal para matulungan ang mga dayuhan na makakuha ng “green card” o permanent resident status sa Amerika.
Inaresto at kinasuhan ng “conspiracy to commit marriage fraud and immigration document fraud,” noong nakaraang taon ang 49-anyos na negosyante at 10 iba pang nagtatrabaho sa kaniya, kabilang limang Filipino na nakabase rin sa LA.
Ang agency umano ng Pinoy ang nag-asikaso sa may 600 fake marriages, na umaabot ang singil sa $20,000 hanggang $35,000, mula October 2016 hanggang March 2022, ayon sa federal prosecutors.
Pinapatakbo ng negosyanteng Pinoy ang kaniyang agency sa Koreatown district sa Los Angeles. Sinabing nagsusumite ang agency ng mapanlinlang na marriage at immigration documents, pati na maling mga tax return, at kumukuha ng mga US citizen para ipakasal sa kanilang mga kliyente.
Isasagawa umano ng agency ng Pinoy ang pekeng wedding ceremonies sa chapels at parke, at isusumite ang mga larawan para pangsuporta sa pag-authenticate sa marriage-based immigration petitions sa US Citizenship and Immigration Services (USCIS), ang federal agency na nangangasiwa sa pagbibigay ng lawful permanent resident status.
Bukod dito, tinutulungan umano ng agency ang kanilang mga kliyente na makakuha ng green cards sa ilalim ng Violence Against Women Act (VAWA) sa pamamagitan pagkukunwari na biktima ng domestic abuse ang kanilang kliyente.
Sa ilalim ng VAWA, pinapayagan ang biktima ng pang-aabuso na makapag-apply ng legal na permanent status kahit hindi kasama ang kanilang asawa.
Ang naturang negosyanteng Pinoy ang ikapitong nasasakdal sa naturang kaso ang naghain ng guilty plea.
Ang conspiracy to commit marriage fraud ay may parusang pagkakakulong ng hanggang limang taon, tatlong taong supervised release at multang $250,000.
Itinakda ni US District Court Judge Denise J. Casper ang paghahatol sa negosyante sa Jan. 10, 2024. —Nimfa Rueda/FRJ, GMA Integrated News