Iminungkahi ng isang senador na ibigay sa mga overseas Filipino workers (OFW) ang mga VIP lounge sa mga paliparan sa bansa.
Inihayag ito ni Senador Raffy Tulfo sa pagdinig ng Senate committee on migrant workers tungkol sa Senate Bill 2077 o Balikbayan Hub Act, na layong maglagay ng mga sleeping quarters, showers, restrooms, at complementary food at beverage para sa mga OFW.
“Alisin na kaya natin ‘yung mga VIP lounge na ‘yan? Sino ba ‘yung mga VIP na dapat uupo doon, pupunta doon? Imbis na mga VIP lounge na ‘yan na ang lalaki, eh bakit hindi na lang natin i-convert sa OFW lounge mga ‘yun?” mungkahi ng senador.
Ayon pa sa senador, “unnecessary” ang mga VIP lounge.
“Kasi ‘yung mga VIP can afford naman sila kumuha ng Mabuhay Lounge, 'di ba? Can afford naman silang dumating ng late kasi nga VIP naman sila. Kung minsan iniintay pa ng eroplano. Eh, ‘yung mga OFWs natin pumupunta nang maaga tapos nade-delayed ‘yung flights. Nate-tengga sila dyan sa paligid-ligid,” paliwanag niya.
Ayon kay Manila International Airport Authority (MIAA) OIC Senior Assistant General Manuel Gonzales, maganda ang mungkahi ng senador.
“I will discuss it with management, sir. Hopefully— talagang maganda po ‘yung inyong recommendation po, Mr. Chair,” sabi ng opisyal.
Idinagdag ni Gonzales, na gumagawa na ang MIAA ng memorandum of agreement sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para sa paglalagay ng hub sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sinabi naman ni OWWA Administrator Arnel Ignacio na nais nilang magkaroon ng mapagtatambayan ang mga OFW sa NAIA Terminal 3. Naglaan umano sila ng P7 milyon para sa renovation.
“Para naman maging at par with the lounges of the other airlines. Of course, this can still be increased if the need arises,” ani Ignacio.
“We want the OFWs to experience how VIPs are treated in the lounges of international airlines. Doon po kasi, merong kumpleto— Tuloy-tuloy ang pagkain, may shower, may prayer room… yes, breastfeeding room, meron po,” ayon pa sa opisyal.
Hiniling naman ni Department of Migrant Workers (DMW) Officer in Charge Undersecretary Hans Leo Cacdac, na isama ang lahat ng uri ng OFWs sa nasabing panukala.
“Isang recommendation din po namin, Mr. Senator, kasi dito po sa bill nakalagay pang active contracts pero meron po kasing OFWs na distressed or na-terminate 'yung contracts so baka pwede sila isama sa saklaw nung bill,” paliwanag ni Cacdac.
Tiniyak din niya na “willing, able, and ready” ang DMW na ipatupad ang Balikbayan Hub Act kapag naging isa na itong batas.—FRJ, GMA Integrated News