Ipinakilala na ng Harvard University ang kauna-unahan nilang Filipino language instructor na si Lady Aileen Orsal, na dating faculty member sa Cavite State University.
Sa inilabas na anunsyo, sinabi ng Harvard University Asia Center and the Department of South Asian Studies na magtuturo si Orsal ng "elementary and intermediate Filipino (Tagalog) courses in Fall 2023."
Sa halos 400 taon ng kasaysayan ng Harvard, sinabi ng unibersidad na ngayon lang ituturo doon ang kursong Filipino.
Ang Filipino (o Tagalog) ang ika-apat na lengguwahe na binibigkas umano sa Amerika, matapos ang English, Spanish, at Chinese.
“Thanks to a generous gift, this new Preceptor position is funded through an endowment that ensures that Filipino languages will always be taught at Harvard,” ayon sa pahayag.
Sa pagpapakilala kay Orsal, sinabi ng Harvard na si Lady Aileen ay isang “dedicated, creative, and effective teacher who is committed to being a leader in Filipino language pedagogy.”
Nagturo rin ng Filipino language sa Center for Southeast Asian Studies sa Northern Illinois University noong 2018.
Unang inanunsyo ng Harvard na magkakaroon sila ng Tagalog language courses noong Marso.
Ginawa ito makaraang punahin ni Eleanor V. Wikstrom, co-president ng Harvard Philippine Forum at Crimson Editorial Chair, sa kaniyang opinion article sa kanilang pahayagan sa unibersidad ang kawalan ng Tagalog language course sa Harvard. — FRJ, GMA Integrated News