Humihingi ng tulong sa pamahalaan ang pamilya ng isang Pinoy seaman na bigla umanong nawala sa sinasakyang barko habang naglalayag patungong Norway.
Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Huwebes, kinilala ang seaman na si Vincent San Diego, 33-anyons, tubong Tagkawayan, Quezon.
Nobyembre 2022 nang umalis sa Pilipinas si Vincent para magtrabaho sa abroad para sa kaniyang pamilya.
Pero nitong June 16, nakatanggap ng impormasyon ang pamilya ni Vincent mula sa agency nito na nawawala ang seaman.
"May nangyari nga raw po sa barko. Tapos kay Vincent po mismo nawawala daw po siya sa loob ng barko," ayon kay Daisy, asawa ni Vincent.
Hindi raw nakitang lumabas mula sa kaniyang cabin si Vincent, at hindi nag-duty.
Ayon kay Daisy, may plano umano si Vincent na umuwi sa Pilipinas, at dapat ay nasa bansa na ito ngayon.
"Excited po siyang umuwi. Basta tungkol lang po sa pag-uwi niya, 'yung mga gusto niyang gawin dito sa Pilipinas pag-uwi niya, 'yun po yung nagpag- uusapan namin noon. Dapat po ngayon, nandito na siya sa amin," sabi ni Daisy.
Kaya naman umaapela ang pamilya ni Vincent na magkaroon sana ng masusing imbestigasyon para malaman kung ano talaga ang nangyari sa kaniya.
"Magparamdam ka naman. Gusto naming malaman kung okay ka kung nasaan ka man ngayon. Marami kaming nagmamahal at nag-aalala para sa'yo. Naghihintay yung mga anak mo," sabi ni Daisy.
Sinusubukan ng GMA Regional TV na makipag- ugnayan sa agency ni Vincent, pati na sa Department of Migrant Workers para makuha ang kanilang pahayag. --FRJ, GMA Integrated News