Inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hindi siya pabor na magpatupad ng total deployment ban ng overseas Filipino workers (OFWs) laban sa Kuwait, kahit sinuspinde ng naturang bansa sa Gitnang Silangan ang pagkakaloob ng visa sa Pinoy.
Sa panayam ng mga mamamahayag nitong Biyernes, sinabi ni Marcos na patuloy siyang makikipagnegosasyon sa Kuwait para resolbahin ang isyu ng dalawang bansa.
"I’m never very comfortable ‘yung nagba-ban na ganun dahil parang ang pag-ban sinasabi mo forever na 'yan, hindi na puwede… Sometimes, overreaction yung ban. Basta’t ban lang tayo nang ban, hindi naman tama,” paliwanag ni Marcos sa ambush interview matapos dumalo sa 125th anniversary celebration ng Philippine Navy.
Dahil sa ipinatupad ng suspensiyon ng visa sa mga Pinoy, ilang OFWs na papunta na sa Kuwait ang apektado.
“Ang naging problema natin, tayo ang binan [ban] ng Kuwait, at ayaw na magpa-issue ng mga bagong visa. Hindi kami nagkakasundo dahil sinasabi nila may paglalabag daw tayo sa kanilang rules, wala naman kaming nakikita, kaya’t 'yan ang naging situation,” anang pangulo.
“But you know I don’t want to burn any bridges… We have to react to the situation as it is and I think the proper reaction is to take the decision of the Kuwaiti government to no longer issue new visas,” patuloy niya.
Para kay Marcos, walang magagawa ang pamahalaan ng Pilipinas tungkol sa patakaran na ipinatutupad ng pamahalaan ng Kuwait.
“We will just leave that issue open and hopefully, we will continue to negotiate with them, we will continue to consult with them at baka sakali down the road magbago ang sitwasyon, maibalik ngayon ang ating mga workers, lalo na ‘yung mga nabitin, there are about 800 na papunta na dapat sa Kuwait ay hindi na nakapunta dahil nga dito sa bagong ban,” anang Punong Ehekutibo.
“So hopefully, down the road, we will continue to work to improve that situation,” dagdag niya.
Una rito, inihayag ng isang opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA) na bukod sa ipinatupad na deployment ban ng mga bagong household service worker, hindi rin umano gusto ng Kuwait ang pagkakaroon ng Pilipinas ng bahay-kanlungan doon, na takbuhan ng mga tumatakas na OFW mula sa abusado nilang mga amo.
Ipinatupad ng Department of Migrant Workers (DMW) nitong nakaraang Pebrero ang deployment ban ng first-time domestic workers sa Kuwait kasunod ng brutal na pagpatay sa OFW na si Julleebee Ranara, na suspek ang anak ng kaniyang amo.
Bukod pa rito ang dumadaming kaso ng mga OFW na minamaltrato ng kanilang mga amo na nagtutungo sa kanlungan o shelter.—FRJ, GMA Integrated News