Apat na Pinoy na papuntang Cambodia na hinihinalang ni-recruit para isabak sa ilegal na gawain ang nasagip ng mga awtoridad sa airport. Naaresto naman ang babaeng nag-sponsor at nag-escort pa umano sa mga biktima.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing inaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) International Airport Investigation Division sa NAIA ang suspek na si Mona Almerah Kozay.
Inutusan umano ang apat na biktima na sabihin sa Immigration officer na pagiging turista lang ang pakay nilang gawin sa Cambodia.
Nang magsagawa ng beripikasyon tungkol kay Kozay, napag-alaman ng mga awtoridad na hindi awtorisadong mag-recruit ang suspek.
“In-orient niya itong mga victim na sabihin during immigration interview na ang pakay nila doon ay bilang tourist. Napag-alaman natin upon investigation na ang final destination pala nila ay Cambodia,” sabi ni NBI spokesperson Giselle Garcia-Dumlao.
Nitong nakaraang Enero, ilang Filipino ang nakalusot umano papuntang Cambodia at naging biktima ng sindikato.
Nasagip naman ang walong Pinoy na ginawang online scammer at naiuwi ng bansa mula sa Cambodia noong Pebrero.
Nitong nakaraang Marso, naghain ng reklamo ang NBI laban sa isang Bureau of Immigration officer at tatlong iba pang sangkot sa naturang insidente.
“Parehong bansa ang pupuntahan which is Cambodia. Mahalaga na napigilan natin makaalis itong mga victim na ito because malaki ang chance na same modus pa rin, gagawin silang scammers or ie-employ sa mga illicit na business sa Cambodia,” sabi ni Garcia-Dumlao.
Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag si Kozay, ayon sa ulat.
Sasampahan si Kozay ng reklamong attempted trafficking in persons act at large-scale illegal recruitment. — FRJ, GMA Integrated News