Ikinuwento ng isang overseas Filipino worker (OFW) ang kalbaryong dinanas niya nang pagtatrabaho siya bilang domestic worker sa Kuwait.
Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabi ng OFW na itinago sa pangalang "Taya," na taong 2021 nang magtrabaho siya sa isang Kuwaiti national na may sahod na katumbas ng P20,000 isang buwan.
Pero pagkaraan ng walong buwan, nagkasakit siya ng isang araw at bigla na lang siyang ibinenta ng kaniyang amo sa iba sa halagang KWD 1,900 o katumbas ng P370,000.
Nakakadalawang-linggo pa lang umano siya sa bagong amo nang gahasain siya nito.
Ayon kay Taya, humingi siya ng tulong kahit kanino sa social media, at maging sa iba't ibang ahensiya ng pamahalaan ng Pilipinas doon gaya ng embahada at Philippine Overseas Labor Office (POLO) pero wala umanong dumating na tulong.
"Lumipas ng tatlong araw, apat na araw walang tumutulong sa akin. Ginawa ko tumakas ako, napunta ako sa shelter," anang OFW.
Bago napunta sa shelter, napaaresto pa raw niya ang among gumahasa sa kaniya pero kaagad din umano itong nakalaya, taliwas daw sa pahayag ng abogado ng embahada na mabubulok ang kaniyang amo sa kulungan.
Pero kahit sa shelter, kalbaryo rin umano ang kaniyang dinanas dahil umaabot umano sa 500 ang bilang nila doon.
Tatlong buwan nang nasa Pilipinas ngayon si Taya, at nasa pangangalaga ng abogado ng agency nila ni Jullebee Ranaza, ang OFW na pinatay sa Kuwait kamakailan.
Ayon pa kay Tara, nang dumating siya sa Pilipinas, wala umano siyang natanggap na tulong mula sa pamahalaan.
Pero paliwanag ni OWWA Administrator Arnel Ignacio, ang pamahalaan ang gumastos sa repatriation ni Tara.
Batay din umano sa kanilang record, nakatanggap si Tara ng P20,000 cash assistance at scholarship mula sa Technical Education And Skills Development Authority.
Dati namang ipinaliwanag ni Ignacio na posibleng naipon lang noong nagdaang Pasko ang mga OFW sa shelter sa Kuwait kaya nagsiksikan ang mga ito doon.
Nagpadala naman ang GMA Integrated News ng sulat sa embahada ng Pilipinas sa Kuwait para alamin ang kinahinatnan ng kasong isinampa ni Tara sa kaniyang amo na gumahasa sa kaniya.--FRJ, GMA Integrated News