Sinuspinde muna ng gobyerno ang akreditasyon ng mga bagong foreign recruitment agencies sa Kuwait. Pero wala raw itong kaugnayan sa sinapit doon ng OFW na si Jullebee Ranara.
Sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ng Department of Migrant Workers (DMW), na nais lamang nila masuring mabuti ang mga recruitment agency.
“We’re just deferring the applications for accreditation of new foreign recruitment agencies doon sa Kuwait. 'Yung iba pong accredited recruitment agencies remain in operation. Business as usual po sila," ayon kay DMW spokesperson Toby Nebrida.
"It’s just really making sure that the evaluation for job orders, for evaluating and assessing the recruitment agency and the employer,” patuloy ng opisyal.
Inihayag ng migrant worker's office sa Kuwait, nirerepaso naman ang mga kasalukuyang accredited foreign recruitment agencies (FRAs) sa naturang bansa.
Samantala, sinabi ng abogado ng agency ni Ranara na Catalyst International Manpower Services, na handa silang sagutin ang mga tanong tungkol sa sinapit ng OFW.
Giit ni Atty. David Castillon, hindi umano humingi ng tulong sa agency si Ranara at maging ang pamilya nito noong nabubuhay pa ang OFW.
“‘Yung pong report na nagpadala siya ng mensahe na nanganganib ang buhay niya, that is not a message sa kaniyang recruitment agency. Iyon po ay ipinadala niya sa kaniyang mga kamag-anak. Nag-review kami ng mga post sa Facebook at Tiktok, walang traces doon na siya ay mayroong pagbabanta sa buhay, maltrato,” paliwanag ni Castillon.
Idinagdag niya na tumulong sila sa gobyerno at employer nang malaman ang nangyari kay Ranara.
Nagkaloob din umano sila ng tulong pinansiyal sa pamilya ni Ranara, pagpapalibing at pagpapaayos ng bahay.
Ayon pa kay Castillion, nasuri rin ng kinauukulang ahensiya ng pamahalaan ang naging employer ni Ranara sa Kuwait.-- FRJ, GMA Integrated News