Katulad ng sitwasayon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), daan-daang pasahero rin sa Clark International Airport sa Pampanga ang naapektuhan ng pansamantalang pagsasara ng Philippine airspace nitong Linggo dulot ng technical issue sa navigation traffic system ng Civil Aviation Authority of the Philippines.

Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, inihayag ni Eric Sorbote, galing pa sa Qatar, ang kaniyang pagkadismaya matapos hindi umabot sa selebrasyon ng Bagong Taon dahil sa aberya sa biyahe.

Ito sana ang unang beses na makakasama niya ang pamilya para sa holiday season sa loob ng sampung taon.

Dakong 1:00 pm umano nakarating ng Pilipinas si Sarbote na pansamantalang na-stranded sa Hong Kong dahil doon na-divert ang kanilang connecting flight na mula sa United Kingdom.

“Hassle. Akala namin isa o dalawang oras lang, hanggang may slim chance nung mga 11 p.m…pero wala na-cancel…kinuwan na lang nila ng 11 a.m. this morning,” sabi ni Sarbote.

Hinaing naman ni Reyna Revill at ng kaniyang pamilya na pabalik na sana ng Spain, ilang oras silang naghintay sa airport bago i-anunsyo na kanselado na ang kanilang flight.

“Naghintay kami ng flight namin ng 6 p.m. pero walang eroplano. Sabi naman 9 p.m. daw, naghintay pa rin kami kaya nakapag check in kami alas-onse na kagabi,” sabi niya.

Ayon sa pamunuan ng paliparan, balik-operasyon na ang lahat ng kanilang domestic at international flights at kasulukuyang nagsasagawa ng recovery flight ang mga airline company. --Sundy Mae Locus/FRJ, GMA Integrated News