Kabilang umano ang nasa 3,000 overseas Filipino workers (OFWs) sa libu-libong pasahero na naapektuhan ang biyahe sa nangyaring air traffic system glitch noong Linggo, at naging dahilan para isara ng ilang oras ang Philippine airspace, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).
Sinabi ni DMW Undersecretary Hans Leo Cacdac, sa panayam ng ANC nitong Lunes, na karamihan sa mga na-stranded na OFWs ay bibiyahe patungong Middle East at iba pang Asian countries.
Tinulungan umano ang mga OFW sa rebooking ng kanilang mga biyahe.
“By our count, roughly around 3,000 OFWs were assisted with their rebooking insofar as getting themselves flights today and up to the next two or three days is concerned,” sabi ni Cacdac.
Nasa mahigit 280 flights ang na-cancel, diverted, o delayed nitong Linggo, dahil sa umano'y technical issue sa Philippine Air Traffic Management Center, ayon sa ulat ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).
Sinabi pa ni Cacdac na marami sa naabalang OFWs ay tinulungan ng kanilang airlines at recruitment agencies. Napagkalooban din umano ang mga OFW ng food, transport, at hotel accommodation.
May mga stranded OFWs sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), at paliparan ng Clark at Mactan, ang humingi rin ng tulong para sa kanilang booking hotel accommodation, ayon sa opisyal.
Sinabi ng Department of Transportation (DOTr) na 4:00 pm nitong Linggo nang bahagyang maibalik na ang sistema at pinayagan na ang ilang biyahe na makaalis at makalapag sa mga paliparan sa bansa.
Pero inaasahan ng mga transport official, na posibleng abutin pa ng hanggang tatlong araw bago maging fully recover ang flight operations sa Maynila.
Kailangan din umanong paglaanan ng pondo ang pag-upgrade sa sistema ng air traffic system upang hindi na maulit ang nangyari. —FRJ, GMA Integrated News