Gaya sa Pilipinas, buhay na buhay din ang tradisyon at selebrasyon ng Pasko sa isang lugar sa Germany na nagliliwanag sa dami ng makukulay na mga ilaw, may magagandang dekorasyon at masasarap na pagkain--ang Stuttgart.

Sa programang "Unang Hirit," pinuntahan ng tubong-Laguna na si John Alry Corcuera ang iba’t ibang atraksyon sa Stuttgart, partikular ang lugar na madalas pasyalan ng mga tao.

Ayon kay Corcuera, kilala ang naturang siyudad na isang masayang lugar tuwing Pasko. Bukod sa dami ng mga Christmas decoration, marami ring pamilihan kung saan makabibili ng mga panregalo, souvenir at masasarap na pagkain.

“Siyempre ang aroma ng cinnamon, vanilla, mga sausages at wine na sumasama sa simoy ng hangin. Kaya masarap pong maglakad dito,” ani Corcuera.

Kilala rin ang Stuttgart bilang Christmas market town kung saan makakabili iba’t ibang souvenirs at ilang gamit pang-Pasko.

“’Yung mga bubungan nila dito ay talagang nakaka-attract sa mga tao. May mga iba’t ibang designs, so, pagandahan sila kung sino ang mas maganda siyempre ‘yun ang mas attractive sa mga customers,” dagdag niya.

Isa rin sa mga karaniwang pagkain tuwing Pasko na matatagpuan sa lugar ay ang mga matatamis na mani, kendi, tsokolate at mga prutas na binalot ng tsokolate.

Samantala, hindi rin daw kumpleto ang pagpunta sa Christmas market town kung hindi matitikman ang globe wine o mainit na wine na sakto sa malamig na panahon.

Isa ring atraksyon tuwing Pasko ang ferris wheel dahil sa magandang tanawin na makikita kapag nasa itaas na, ayon pa kay Corcuera.
Silipin sa video ang mala-picture perfect na Stuttgart sa Germany.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News