Matapos mangako ang pamahalaan ng Saudi Arabia na babayaran nila ang backwages ng mga overseas Filipino workers (OFW) na nawalan ng trabaho sa kanilang bansa noong 2015-2016, nagbabala naman ngayon ang Department of Migrants Workers (DMW) na may mga taong maaaring samantalahin ang magandang balita.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabi ni DMW Secretary Maria Susan Ople, na dapat iwasan ng mga OFW na makakakuha ng backwages ang mga taong magpapanggap at magpapakilalang mga "middleman" at mangangakong mapapabilis ang proseso ng kanilang hinahabol na sahod at mga hindi nabayarang benepisyo sa KSA.
Isusumbong daw kaagad ng DMW sa mga awtoridad ang mga taong magpapakilalang middleman na nakapasok na umano sa mga chat group ng mga claimant.
“Maawa po sana yung mga gagawa niyan,” sabi pa ni Ople.
Una nang iniulat na sasagutin ng gobyerno ng Saudi Arabia ang mga hindi nabayarang sahod at benepisyo ng mga dating OFW na nawalan ng trabaho noon mula 2015 hanggang 2016 matapos mabangkarote ang mga pinasukan nilang mga kompanya sa nasabing bansa sa Middle East.
Kasunod ito ng bilateral meeting nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Saudi Crown Prince Mohammed Salman sa sideline ng Asia-Pacific Economic Cooperation Summit sa Thailand noong nakaraang linggo.
Maglalaan umano ang Saudi Arabia ng 2 billion rials para mabayaran ang nasa 10,000 OFWs.
“The DMW is willing to send a team to the Kingdom of Saudi Arabia if this will hasten the process of consultations,” saad ni Ople.
Gayunman, sinabi ni DMW Undersecretary Hans Leo Cacdac, na pag-uusapan pa lang kung paano at kailan sisimulan ang proseso ng pagbabayad.
“Who will be on the list, I think that will be one of the topics of discussion with the Saudi side,” ani Cacdac.
Samantala, pinaalala ng DMW na sila ang mag-aanunsiyo kung kailan at ano ang mga rekisito na kailangang ihanda ng mga OFW na claimant.
“Hindi sila kailangang pumunta dito, sayang lang pamasahe ninyo at ‘yung pagod ninyo. Kami po ang lalapit sa inyo,” sambit ni Ople.
Kabilang daw sa mga babayaran pa rin ay ang mga naulila ng nasa 30 hanggang 40 claimants na sumakabilang-buhay na.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News