CALIFORNIA - Kinumpirma ng Amador County Sheriff’s Office sa Plymouth, California na bahagi ng katawan ng nawawalang 24-anyos na Fil-Am na si Alexis Gabe ang na-recover nilang human remains sa malawak na lupain sa Jackson Road. 

Araw ng Huwebes nang makatanggap ng anonymous tip ang mga awtoridad tungkol sa pagkakatuklas sa piraso ng katawan ng biktima na una nang napaulat na nawawala noong Enero.

Sa isang statement mula sa Amador County Sheriff’s Office, sinabi nito na tumugma ang dental records ng biktima sa isinagawang forensic examination sa nakuhang human remains.

Ilang araw ding ginalugad ng mga crime scene investigator, K-9 dog at mga awtoridad ang lugar kung saan natagpuan ang bahagi ng katawan ng biktima. 

Paniwala ng mga awtoridad, posibleng ikinalat ng suspek ang pira-pirasong katawan ng biktima.

“After the search was completed, a board certified Forensic Odontologist, utilizing known dental records from the victim, was able to identify the remains as belonging to missing person, Alexis Gabe. All evidence collected by the Amador County Sheriff's Office was turned over to Oakley Police Department detectives and Coroner jurisdiction has been turned over to the Contra Costa County Coroner's Office to determine manner and cause of death," pahayag ng sheriff's office.

Nitong Enero 2022 nang unang napaulat na nawawala si Alexis na patungo sana noon sa bahay ng kanyang ex-boyfriend na si Marshall Curtis, 27-anyos, sa Oakley sa California. Naging suspek si Curtis sa kaso.

Sa pamamagitan ng CCTV footage at digital forensic examination sa mga na-recover na ebidensya ng mga pulis ay lumalabas na pinatay ng suspek ang biktima.

Napatay naman ng mga awtoridad sa Seattle, Washington ang suspek matapos na manlaban ito sa US Marshall na magsisilbi sana ng warrant of arrest laban sa kanya para sa kasong pagpatay kay Alexis.

Humiling muna ng privacy ang pamilya ng biktima na kasalukuyang nagdadalamhati dahil sa karumal-dumal na sinapit ng biktima. —KG, GMA Integrated News