Naghahanap ng paraan ang Department of Migrant Workers (DMW) para mas maging madali ang pagbibigay ng overseas employment certificate (OEC) sa Pinoy na magtatrabaho sa abroad, ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Sa panayam ng GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, itinanong kay OWWA Administrator Arnell Ignacio ang apela ng mga overseas Filipino worker (OFW) para sa mas mabilis na pagproseso sa kanilang dokumento upang makapagtrabaho sila kaagad sa ibang bansa.
“I am very sure they are talking about the OEC,” ayon kay Ignacio, patungkol sa dokumento na magsisilbing exit clearance sa OFW, at patunay na lehitimo ang pagkakakuha sa kanila.
“Bago tayo nagkaroon ng DMW, POEA (Philippine Overseas Employment Administration) ang gumagawa niyan," paglilinaw ni Ignacio na hindi OWWA ang nagbibigay ng OEC.
"Pero ngayon na DMW is here, ‘yan ay inaaral mabuti para mas maging convenient para sa OFWs ang mabigyan ng OECs nila,” dagdag niya.
Idinagdag ni Ignacio na para din sa kapakanan at proteksiyon ng mga OFW ang OEC.
Matatandaan na inatasan ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. sa kaniyang unang State of the Nation Address, ang DMW at Department of Information and Communications Technology (DICT) na bigyan ng prayoridad ang automation of contracts ng OFWs.
Nais din niyang gumawa ng paraan ang mga nasabing ahensiya upang magawang mailagay ng mga OFW ang kanilang OEC sa mobile phones.
Nito lang Miyerkules inanunsyo ng Malacañang ang pagkakahirang ni Marcos kay Ignacio bilang pinuno ng OWWA.—FRJ, GMA News