Tinatanggap at kinikilala na ng mga bansa sa European Union (EU) ang COVID-19 digital vaccination certificate o VaxCertPH ng Pilipinas, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Sa isang pahayag, sinabi ng DFA na maaari nang gamitin ng mga Pinoy ang vaccination certificate ng Pilipinas bilang patunay na nabakunahan sila. Nakakonekta na umano ang VaxCertPH sa Digital Covid Certificate (EUDCC) system ng EU.

“The onboarding of the VaxCertPH to the EUDCC means that technical recognition is accorded to VaxCertPH which will now be regarded uniformly along with all issued EU DCC certificates recognized by EU member countries. The same courtesy shall be applied by the Philippines to EU DCC certificates presented at international ports on entry,” ayon sa DFA.

Bukod sa EU, kinikilala rin umano ang VaxCertPH sa 94 pang bansa at teritoryo, ayon sa DFA. Dahil dito, kabilang na ang VaxCertPH sa mga widely-recognized vaccination certificates sa mundo.

Bukod sa Pilipinas, ang iba pang bansa sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na kinikilala ang vaccination certificate sa ilalim ng EUDCC system ay ang Indonesia, Malaysia, Thailand, Singapore at Vietnam. — FRJ, GMA News