Isang babae ang basta na lang sinunggaban at ibinalibag ng isang lalaki sa riles ng tren sa Bronx, New York.

Sa video na inilabas ng New York City Police Department, makikita ang nangyaring insidente na naganap noong Hunyo 5, 2022.

Sa video, makikita na naglalakad ang suspek at biktima sa platform ng tren station. Nang bahagyang mauna ang babae, sinunggaban siya ng lalaki na malaki ang katawan sa magkabilang braso at saka ibinalibag sa riles.

Matapos nito, pasimple lamang na umalis ang lalaki na parang walang nangyari. Samantalang tinutulungan ng mga nakasaksi na makuha ang biktima na nagtamo ng mga bali at sugat sa katawan.

Mabuti na lamang at walang tren na dumaan nang mangyari ang insidente.

Nag-alok ng $3,500 na pabuya ang New York City police sa magtuturo sa kinaroroonan ng suspek.  Pero pagkatapos lamang ng ilang oras, kinumpirma ng pulisya na nahuli na ang lalaki.

Hindi muna naglabas ng impormasyon ang mga awtoridad sa motibo at pagkakakilanlan ng lalaki.

Dalawang linggo bago ang insidente, nagkaroon naman ng insidente ng pananakit ng grupo sa isang lalaki sa subway sa New York.

Makikita sa video na nagsasalitan sa pagsuntok ang dalawang suspek sa biktima na hawak ng isa pa nilang kasama.

Nito namang nakaraang Abril, ilang pasahero ang nasugtan nang mamaril sa loob ng tren sa subway at gumamit ng smoke bombs ang suspek na si Frank James.

Sampung pasahero ang tinamaan sa insidente, habang nadakip ang suspek matapos ang 30 oras at sinampahan ng federal terrorism.

Bago ang mga insidente ng pag-atake, inilatag ng gobyerno ng New York ang kanilang "Subway Safety Plan" na maglalaan ng pondo para sa mga walang tirahan doon at tulong medikal para sa mga may mental illness.

Nitong nakaraang Enero, nasawi si Michelle Alyssa Go nang itulak siya sa riles ng isang palaboy sa subway.--FRJ, GMA News