Sinabi ng Oakley Police Department na patay na ang 24-anyos na Filipino-American na nawawala muna pa noong Enero 2022.
Papunta umano si Alexis Gabe sa bahay ng kaniyang dating nobyo sa Antioch nang mawala ito.
Nakita ang kaniyang sasakyan na walang tao pero umaandar pa ang makita sa isang dead-end na kalye sa Oakley noong Enero 26, 2022.
Suspek ng Antoich Police Department sa nangyari kay Gabe ang dati niyang nobyo na si Marshall Curtis Jones, 27-anyos, batay sa digital at forensic evidence.
Sa nakuhang CCTV footage, nakita si Jones na inabandona ang sasakyan ng biktima noong Enero 26. Nakita rin ang fingerprint ng suspek sa cellphone case ng biktima na natagpuan hindi kalayuan sa kaniyang bahay.
May inilabas na warrant of arrest laban kay Jones. Nang aarestuhin siya sa Seattle, nanlaban umano ito kaya napatay ng mga awtoridad.
Hinihinala ng Oakley Police Department na pinatay si Gabe sa inuupahan bahay ni Jones. Pero hindi pa matiyak kung papaano pinatay ang biktima at ano ang motibo sa krimen.
Hindi pa nakikita ang katawan ni Gabe kaya nag-alok ang pulisya ng $100,000 reward sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon para makita ang kaniyang mga labi.
Susuriin naman ng mga awtoridad ang electronic devices owned ng suspek sa pag-asang may makukuhang impormasyon kung saan dinala ni Jones ang katawan ng biktima.
Ayon sa pamilya Gabe, unang nobyo ng biktima si Jones. —FRJ, GMA News