Mayroon umanong 39 na insidente ng hate crime na naitala sa Amerika na pawang mga Pinoy ang biktima, ayon sa isang opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Sa press conference nitong Biyernes, sinabi ni DFA Assistant Secretary for Migrant Workers' Affairs Paul Raymund Cortes, maingat ang mga awtoridad ng Pilipinas sa pagtukoy ng hate crimes mula sa "karaniwang" pag-atake.
“Sa pakikipagpulong namin with the Philippine Consulate General Consulate in New York, there are about 38 or 39 documented cases,” anang opisyal.
Hindi binanggit ni Cortes kung kailan nangyari ang naturang mga insidente.
Pero may mga pag-atake na nangyari sa mga Pinoy sa US kamakailan, Kabilang rito ang isang 67-anyos na Filipina na ginulpi ng isang lalaki sa New York.
Ayon kay Cortes, maituturing na hate crime ang pag-atake kung binanggit ng suspek ang bansa o lahi ng biktima sa kanilang komprontasyon.
"Very careful ang konsulado at ang gobyerno to determine na itong mga krimen na ito ay hindi lang harassment kundi hate crime dahil tina-target yung pagka-Pilipino nila," ani Cortes.
Inire-report ng mga tauhan ng Philippine Consulate ang mga ganitong insidente sa mga awtoridad para sa kaukulang imbestigasyon at pagdokumento ng hate crimes, ayon kay Cortes.
Nagsasagawa rin umano ang Philippine authorities ng webinars on self-defense para sa Pinoy upang maipagtanggol nila ang kanilang sarili.
Ang Philippine Consulate General Consulate sa New York, nagbibigay ng pepper sprays sa mga Pinoy bilang pangdepensa rin sa sarili.
"Kung may kababayan tayo na nakaranas ng ganito, all they have to do is not just approach the consulate but may mga local authorities po. Go to your local police. Malaki ho ang system ng Amerika pagdating sa pagtulong not only Asians but other nationalities as far as hate crimes are concerned," ayon kay Cortes. —FRJ, GMA News