Itinaas ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa 7,000 ang Pinoy nurses na papayagang makapagtrabaho sa ibang bansa ngayong 2022.

Ayon kay POEA Deputy Administrator Bong Plan, mas mataas ito sa 3,500 deployment cap nang magkaroon ng COVID-19 pandemic.

“Actually, from a low of 3,500 cap last year, this year we are already allowing 7,000 nurses for deployment. Basically, tumaas na po tayo ng 100%,” ayon kay Plan sa panayam ng GTV news Balitanghali nitong Martes.

Ipinaliwanag ni Plan na pinayagan nang madagdagan ang mga Pinoy nurse na lumabas ng bansa dahil bumababa na ang hawahan ng COVID-19 sa Pilipinas.

“The reason is number 1, yung demand po ng mga nurses natin dito is medyo bumaba na because medyo bumaba na po ang mga cases ng COVID-19 dito sa atin,” anang opisyal.

“Second, mayroon na po tayong mga licensure exams para sa mga nurses natin so nakakapagdagdag tayo ng mga lisensyadong nurses natin and other healthcare workers, so these are the factors na kinokonsider natin whenever we decide on deployment cap,” dagdag  ni Plan.

Ayon kay Plan, kailangan ng mga nurse sa United Kingdom, Germany, United States, at Saudi Arabia.

Nitong nakaraang taon, sinabi ng Malacañang na itataas ang annual cap sa deployment ng mga new hire health workers abroad sa 7,000  mula sa 6,000.

--FRJ, GMA News