Magkahalong gulat at iyak sa tuwa ang naramdaman ng isang pamilya sa Angeles City, Pampanga, matapos silang sorpresahin ng kanilang ate na OFW sa Taiwan, na umuwi sa Pilipinas matapos ang mahigit apat na taon.
Sa "On Record," mapapanood sa video ni Jonel Lobo ang pagsorpresa sa kaniya ni Emyrose, na naluha at mistulang lumambitin pa sa kaniyang ate sa sobrang pagkasabik.
"Sobrang saya po kasi unang tumatak sa isip ko noon na magkakasama na ulit kaming magkakapatid. Kompleto na ulit kaming walo," sabi ni Jonel.
Sadyang mahilig sa sorpresa si Emyrose, na ginulat din ang mga magulang sa biglaan niyang pag-uwi noong Nobyembre 21.
Hindi muna dapat uuwi si Emyrose dahil may kontrata pa siya sa kaniyang kumpanya sa Taiwan, Pero hindi niya matiis ang pakiusap ng ina na inatake dahil sa sakit na epilepsy.
"Ang hirap po kaya baka magsisi pa ako sa huli, tutal gusto ko na rin silang makasama kahit wala, pinagbigyan ko po ang nanay ko na umuwi na rin," sabi ni Emyrose.
Halos tatlong taong naging domestic helper si Emyrose sa Saudi Arabia bago mahigit apat na taon nagtrabaho sa Taiwan bilang factory worker.
"'Pag dumarating sa point na gusto mong sumuko, iniisip ko na lang lagi 'yung naitutulong ko sa pamilya ko, 'yung kaginhawaan na nakikita ko sa kanila, 'yung ngiti nila. Kaya go lang, fight lang nang fight, hanggang sa magiging okay naman po," sabi ni Emyrose, na nakaramdam ng lungkot at pangungulila noong nasa ibang bansa siya.
Pangatlo sa walong magkakapatid si Emyrose, at breadwinner ng pamilya.
"Sobrang sarap sa pakiramdam na iba 'yung saya na nabibigay ko sa kanila, na kahit sa ganoong paraan lang po. Kumbaga masaya sila pero doble po 'yung nararamdaman ko," ani Emyrose.
Pinakamalapit sa isa't isa sina Emyrose at Jonel sa walong magkakapatid. Pinag-aral ni Emyrose si Jonel sa kolehiyo sa kursong Bachelor of Physical Education, Major in School PE.
Sa pagpasiya ni Emyrose na manatili na sa Pilipinas, nangako si Jonel na siya naman ang mag-aalaga sa kaniyang ate.
"'Yun po 'yung mindset naming lahat na pagdating niya rito, gusto ko pong maranasan niya naman na siya naman 'yung magpapahinga, siya naman 'yung pagsisilbihan namin, siya naman 'yung magiging senyorito, senyorita, kami naman 'yung kumakayod," sabi ni Jonel.
--FRJ, GMA News