Halos dalawang taon na ang global pandemic na dulot ng COVID-19, pero marami pa ring overseas Filipino workers na nawalan ng trabaho ang umaasang makakasama sila sa repatriation flights para makauwi na sa Pilipinas bago ang Pasko.

Sa ulat ng "Dapat Alam Mo," kabilang si Jessica Evangelista, isang nurse sa Jeddah, Saudi Arabia, ang matagal nang naghihintay na makauwi sa Pilipinas.

Dapat raw sana ay nitong nakaraang Enero siya makakauwi sa bansa pero hindi natuloy. At nitong Nobyembre ay napaso na ang kaniyang visa.

Isa rin sa mga nagbabakasakali na makasama sa repatriation flights ng gobyerno ang OFW na si Mildred, hindi niya tunay na pangalan.

Dahil sa stroke, hindi na nakapagsasalita si Mildred at hindi maigalaw ang isang braso.

Nais na rin makauwi ni Nikka, na masama ang loob sa kaniyang agency dahil may sahod pa siyang hindi nakukuha sa kaniyang amo.

Sa halip kasi na tulungan siya agency, sinabihan umano siya na magmakaawa at lumuhod sa kaniyang amo para makuha ang sahod.

Ayon sa Philippine Overseas Employment Administration, maaaring parusahan ang agency ni Nikka dahil parehong responsibilidad ng employer at agency ang pagpapasahod sa OFW hanggat may bisa ang kontrata nito.

Dahil sa dami ng mga OFW na gustong umuwi, naglabas ng priority list ang Philippine Overseas Labor Office (POLO-Jeddah) sa mga nais makasama sa repatriation flights, kabilang dito ang mga maysakit at walang pambili ng plane ticket.

Tiniyak naman ni Roel Martin, POLO-Jeddah, gagawa ng paraan ang pamahalaan para makauwi sa bansa ang mga OFW.

Hinikayat niya ang mga OFW nais umuwi sa tulong ng repatriation flights na mag-apply sa kanila via online o magsadya sa kanilang opisina para kaukulang mga impormasyon.

Sina Jessica, Mildred at Nikka ay nakasama na sa repatriation flight nitong nakaraang linggo at makakauwi na sa kanilang pamilya ngayong Pasko.

Sinabi ni Administrator Hans Cacdac ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), na makakatanggap ng tulong ang umuuwing OFWs.

Kabilang dito ang livelihood at scholarship assistance. Kung dinapuan ng COVID-19 ang OFW, may matatanggap siyang P10 COVID-19 assistance, at mayroon ding medical at disability assistance.

Maaari din nilang bigyan ng referral sa government hospital ang mga mayroong physical o mental health issue.

Ayon sa OWWA, simula noong Mayo 2020 ay umabot na sa 1.3 milyong OFWs na naapektuhan ng pandemic ang natulungang makauwi sa Pilipinas.

Pero marami pa rin ang nakapila at umaasang makakauwi na sila ngayong Pasko.--FRJ, GMA News