Inihayag ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na nakabawi na ang sektor ng sea-based OFWs sa dami ng mga nagkatrabahong muli sa harap ng nararanasang COVID-19 pandemic.
“Nung tinitignan namin ‘yung datos namin ngayong 2021, lalong lalo na sa sea-based [OFW] natin, ‘yung mga seafarers, ‘yung kanilang level of deployment halos pumapantay na sa pre-pandemic level," ayon kay POEA administrator Bernard Olalia sa panayam ng GTV "Balitanghali" nitong Huwebes.
"Ibig sabihin, nakakabawi na tayo at unti-unti nang sumisigla muli ‘yung deployment natin sa seafarers,” dagdag niya.
Umabot umano sa 40,000 bawat buwan ang deployment ng seafarers ngayong taon, kumpara sa pre-pandemic level na halos 50,000.
Ipinaliwanag din ni Olalia na mayroon mga seafarer na naghihirapang makasampa sa barko ng international shipping companies dahil sa kakulangan ng face-to-face training bunga ng pandemic.
Ayon sa opisyal, kabilang ang in-person training sa mga rekisito sa mga seafarer para makakuha ng certification ng kanilang skills ang competency assessment.
“Pero unti-unti po, nabibigyan na ng solusyon ng ating marina," ani Olalia.
"[Sila] naman ay mabilis umaksyon sa kung pwede nilang i-extend at bigyan ng panahon para makapag-comply ‘yung mga seafarers natin, ‘yun naman po ay kanilang ginagawa,” dagdag niya.
Kasabay nito, inamin naman ni Olalia na malayo pa sa pre-pandemic level ang bilang ng deployment ng land-based OFWs. Pero dahan-dahan na umano itong nadadagdagan.
“Paunti-unti pong umaangat dahil po ‘yan sa pagbubukas ng mga merkado at dahil din sa vaccination program na ginagawa natin,” Olalia said.--FRJ, GMA News