Isang resolusyon ang inihain sa Kamara de Representantes para hilingin sa Department of Foreign Affairs (DFA) na palawigin ng dalawang taon ang bisa ng pasaporte ng mga Filipino seafarer at land-based overseas Filipino workers.
Sa House Resolution 2367 na inihain nina Marino party-list Representatives Sandro Gonzales at Macnell Lusotan, inihayag nila na maaaring mawalan ng trabaho ang mga OFW dahil sa atrasadong pagproseso sa mga pasaporte.
"Unfortunate as it may sound, there is an urgent need on the part of the government to support the deployment of OFWs through the extension of the validity of their passports to give them opportunity to be gainfully employed abroad while employment opportunities in the country remain scarce," pahayag ng mga mambabatas.
Nais ng mga mambabatas na mga OFW na nakatakda nang ipadala sa labas ng bansa ang hiling nilang mapalawig ang bisa ng pasaporte.
Dagdag niya, karaniwan naman sa panig ng mga seafarer na dapat na mayroong 18 months ng validity ang pasaporte nila bago ang deployment.
Una nang inamin ng DFA na nagkakaroon ng backlog sa pagproseso sa passport applications at renewals dahil na rin sa limitadong appointment slots bunga ng COVID-19 pandemic.—FRJ, GMA News