Matapos ang isa't kalahating taon, puwede na muling bumiyahe sa Israel ang mga Filipino na fully vaccinated, ayon sa Israel Ministry of Tourism.
Ayon sa abiso ng Israel, simula sa November 1, maaari nang mag-book ng kanilang flight sa Ben Gurion Airport ang mga Pinoy na nabigyan ng two doses ng Pfizer, Moderna, Astrazeneca, Sinovac, o Sinopharm vaccine, o isang dose ng Johnson & Johnson vaccine.
Ang mga nabakunahan naman ng Sputnik ay mananatili muna sa isolation facility hanggang magkaroon ng resulta sa serological test.
“With leading vaccination rates and endless opportunities for outdoor activities, we are eager to welcome visitors back with open arms--of course, at a safe social distance,” ayon kay Sammy Yahia, director ng Tourism for India and Philippines.
Dapat dala ng mga turista ang kanilang vaccine certificate na hindi hihigit sa anim na buwan matapos mabakunahan ng second dose. Kung higit na sa anim na buwan, kailangan na ang third dose o booster shot.
Dapat din silang mag-fill out ng declaration form, may PCR test na 72 hours bago ang kanilang biyahe at arrival sa Israel.
Mananatili din sila sa temporary isolation facility habang naghihintay ng negative results.
Sa mga nagpositibo at gumaling sa COVID-19, kailangan nilang magpakita ng katibayan ng positive Nucleic Acid Amplification Test (NAAT) na 11 araw bago ang kanilang pagpunta, pero hindi hihigit ng 180 araw sa pag-alis nila sa Israel.
“We have been awaiting this moment, to bring back international travellers into our country, for a very long time now. We’re ecstatic to share our country with everyone once again and I’m proud to be working closely with our Prime Minister Naftali Bennett among other Ministers within the country to ensure a thoughtful, safe return to tourism,” ayon kay Yoel Razvozov, Minister of Tourism ng Israel.—FRJ, GMA News