Inaresto ng mga awtoridad ang isang lalaki sa pagkawala ng kaniyang misis na kumukonsulta na umano sa isang divorce lawyer sa East Chula Vista, San Diego, California. Ang biktima, pinapangambahang patay na.
Kinilala ni Chula Vista Police Chief Roxana Kennedy, ang suspek na si Larry Millete, kaugnay sa pagkawala ng kaniyang misis na si May Millete.
Ayon kay Kennedy, nitong Enero pa nawawala si May, at nakatakda raw sanang makipagkita sa isang abogado kaugnay sa hangarin niyang hiwalayan na ang asawa.
Umabot na sa 67 search warrants at 87 interviews, kabilang ang review at investigation ng mahigit 130 tips, ang isinagawa ng mga awtoridad kaugnay sa isinasagawang imbestigasyon.
“These efforts ultimately generated for variety pieces of evidence that we come clear and overwhelming that Larry Millete, May’s husband, is responsible for May’s murder and disappearance,” sabi ni Kennedy sa press conference.
“The primary goal was to bring May home to her family or bring justice to the persons responsible for her disappearance,” dagdag niya.
Umapela sa publiko si Maricris Drouaillet, kapatid ni May, na matulungan sila para mahanap ang biktima.
“This is still not the end. We have a long way to go. We are still asking the public to please help us bring my sister home. I still want to see my sister. I still want her to come home to us,” ani Drouaillet.
Sa ulat ni Sarima Refran sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, sinabing lumilitaw sa imbestigasyon ng mga pulisya na gabi noong Enero 7 posibleng pinatay ni Larry si May at itinapon ang bangkay nito sa hindi pa tukoy na lugar.
Mayroon umanong nadinig na putok ng baril ang mga kapitbahay ng mag-asawa sa nabanggit na gabi.
Nairekord din ang tunog sa CCTV footage ng kalapit na bahay.
Nakuha rin sa bahay ng mag-asawa ang ilang baril.
Itinanggi naman ni Larry ang mga paratang laban sa kaniya.--FRJ, GMA News