Arestado ang isang 22-anyos na dalaga matapos siyang mameke umano ng personal information para makakuha ng mga dokumento sa tatlong ahensiya ng pamahalaan na kailangan upang makakuha siya ng visa papuntang Amerika.
Sa ulat ni Alan Domingo ng GMA Regional TV News nitong Miyerkules, ang babae na si Raven Gay Dablo, nakatira sa Bgy. Lagtang, Talisay City, Cebu.
Nahuli siya sa isinagawang entrapment operation ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI).
Sinasabing nakalusot sa tatlong ahensiya ng gobyerno si Dable at nakakuha ng mga kailangan niyang dokumento. Pero hindi naman niya naisahan ang mga taga-US embassy.
Ginamit umano ni Dablo ang pagkakakilanlan ng isang "Sheny Mae Liza," na green card holder sa Amerika ang ama, para makakuha siya ng mga dokumento sa Land Transportation Office, Department of Foreign Affairs at pati na sa NBI.
Nakatakda na siyang kumuha ng US visa pero ginamit niya ang kaniyang litrato sa aplikasyon.
Natuklasan ng NBI sa kanilang imbestigasyon na nakiusap ang suspek sa pamilya ni Liza na gagamitin niya ang mga personal na impormasyon ni Sheny Mae, pero hindi sila pumayag.
Gayunman, ipinagpatuloy ng suspek ang paggamit ng impormasyon ni Sheny Mae nang walang pahintulot.
Ayon kay Atty. Renan Augustus Oliva, Regional Director ng NBI-7, mahaharap ang suspek sa paglabag sa RA 8239 o Philippine Passport Act of 1996 (securing by false statements), falsification by a private individual, at paglabag sa RA 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.
Natuklasan ang ginawa ni Dablo matapos mag-request ang US embassy sa NBI na magsagawa ng background check sa suspek.
Nakuha mula kay Dablo ang mga ebidensya, kabilang ang passport na may mukha ng suspek pero kay Liza ang data information.
Nasa detention facility ng NBI ang suspek na tumangging magbigay ng pahayag. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News