Mula sa simpleng plano na makapagbenta lang sa mga kapwa Pilipino, pumatok maging sa ibang lahi na nasa Europa ang negosyong ice cream at beer na itinayo ng isang mag-asawang Pinoy sa The Netherlands. Ang pangalan ng kanilang produkto --Luneta at Guapito.
Sa "Stories of Hope," ikinuwento ni Dennis Rogacion na pagkatapos ng kaniyang first year high school sa Pilipinas, kinuha na siya ng kaniyang ama sa The Netherlands at doon na siya nagtrabaho.
Si Rhea Topacio naman, nagtrabaho sa courier service at retail, at hinawakan ang nationwide operation at marketing ng kaniyang kumpanya.
Oktubre 2010 nang ikasal sina Rhea at Dennis.
Pagdating sa The Netherlands, sinimulan ni Rhea ang kaniyang cupcake business, na pumatok ng limang taon sa mga Dutch.
"Patuloy 'yung paghahanap namin ng mga negosyo na para sa amin talaga at gusto namin kasi 'yung para sa Pilipino," ani Rhea.
Hanggang sa maisip nila na wala pang ice cream na gawang Pinoy sa The Netherlands kaya sinimulan nila ang "Luneta Ice Cream."
"Gusto namin 'yung pangalan na kapag narinig mo pa lang, naiisip mo 'yung Sunday afternoons sa park noong maliliit pa tayo," ayon sa mag-asawa.
Sa umpisa, sa bahay lang nila ginagawa ang ice cream. Pero noong 2017 ay simulan na nilang gawin ito sa factory.
Ayon kay Rhea, pinakapatok sa ibang lahi ang kanilang ube flavor, dahil curious sila sa lasa ng ice cream na kulay violet.
Hinarap ng hamon sina Rhea at Dennis dahil sa pandemya, pero hindi sila sumuko na gumawa ng sarili nilang brand ng ube ice cream, hanggang sa mabuo nila ang "Ubeness."
Bago nito, pinag-aaralan na rin nila ang paggawa ng produktong Pinoy nila na "Guapito Beer" noong 2019, at inilunsad nila ito noong Agosto 2020.
Ito ang kauna-unahang Pinoy brand ng beer na ginawa sa The Netherlands, ayon kay Rhea.
Bagama't naging hamon ang pagbebenta ng kanilang mga produkto dahil sa pandemya, tinangkilik pa rin ito ng mga dayuhang parokyano.
Sa ngayon, nakakarating na sa Espanya, Norway, Sweden at Luxembourg ang kanilang Guapito Beer.
Ang kanila namang Luneta Ice Cream, nasa mga tindahan sa Italy, Espanya, UK, Norway, Sweden, Denmark at iba pang bansa na bahagi ng European Union.
--FRJ, GMA News