Isang Pinoy na private security contractor ang tumulong sa ilang kapwa niya overseas Filipino worker (OWFs) para makaalis ng Afghanistan matapos na makontrol ng Taliban.
Sa ulat nina Raffy Tima at JP Soriano sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabi ni Elmer Presa na nag-ikot siya para kunin niya ang mga kasamahan at ilang kapuwa OFWs.
“Hindi ko po inexpect na pagbalik ko nung e-extraction ko sila ay napakadami nang Taliban doon. So nagpakilala po ako na may kukunin po akong tao,” kuwento ni Presa.
“So nagpakilala po ako na may kukunin po akong tao, sa salita po nila with combination of English. Ang sabi lang po sa akin… okay, lakad ka lang, walang problema,” patuloy niya.
Sa paglabas nila ng compound, kinunan pa sila ng video ng mga Taliban.
Makikita rito na nakalinya habang naglalakad ang mga private security contractors na bitbit ang kani-kanilang bagahe.
“Napakarami po ng mga Taliban na palakad-lakad and purposely ang layunin po ay ma eskortan po kami, makalampas doon sa military airport,” kuwento niya.
Mas maayos na raw ang sitwasyon sa airport at ilang oras pa ang lumipas, nakasakay na sila sa C-17 military transport plane ng US airforce
Dito nakita ni Presa kung gaano karami ang nais umalis ng Afghanistan na karamihan ay mga bata, babae at nakatatanda.
“Siguro, more or less, nasa mahigit po na ano mga 300,000 individuals or more. Sama-sama po kami doon, matatanda, bata,” saad niya.
Napag-alaman na nasa Doha, Qatar si Presa at naghihintay ng commercial flight para makauwi ng Pilipinas.--FRJ, GMA News