Hihingi muli ang Overseas Workers Welfare Association (OWWA) ng dagdag na pondo para gamitin sa pagpapauwi sa mga stranded na overseas Filipino worker.
Ayon kay OWWA Administrator Hans Leo Cacdac, inaasahang mauubos na sa susunod na tatlong buwan ang pondong nakalaan sa repatriation program.
“We’re good until mga September, and then after September, hihingi na naman tayo ng pondo. Actually baka ngayong panahon pa lamang, magbibigay na tayo ng senyales sa DBM patungkol sa pangangailangan ng pondo ng bandang katapusan ng third quarter o simula ng fourth quarter ng taong ito,” paliwanag ng opisyal sa Laging Handa public briefing nitong Lunes.
Bukod ito sa P5.2 bilyon pondo na inaprubahan Department of Budget and Management (DBM) nitong nakalipas na buwan na hiniling ni Labor Secretary Silvestre Bello III.
Ayon kay Cacdac, tinatayang 612,000 OFWs na stranded sa iba't ibang bansa ang naiuwi na mula noong Mayo 2020.
Ang swab test, flight ticket at quarantine nila sa Pilipinas ay sinasagot umano ng ahensiya.
348 OFWs, bagong uwi
Samantala, mayroong 348 OFWs mula sa Dubai at Abu Dhabi ang naiuwi sa bansa nitong weekend.
Ito ang ika-apat na batch ng nakauwing OFWs mula nang magpatupad ng travel restrictions ang inter-agency task force for the management of emerging infectious diseases (IATF-EID), sa pitong bansa upang mapigilan ang pagkalat ng mas nakahahawang variant ng COVID-19.
Ayon kay Cacdac, tinatayang mayroong pang 70,000 hanggang 80,000 OFWs ang naghihintay na maiuwi. Pero posibleng lumubo pa ang bilang sa hanggang 130,000.
Sinabi ng Department of Labor and Employment (DOLE) na apat na repatriation flights ang nakatakdang isagawa ngayon buwan sa July 12, 17, 27, at 30. —FRJ, GMA News