Inihayag ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na magpapadala ang bansa ng mga Pinoy skilled workers sa Germany.
Sa ulat ni JP Soriano sa GTV “Balitanghali” nitong Miyerkoles, sinabi ng POEA na bumuo ang Pilipinas at Germany ng technical working group para sa paghahanap ng mga skilled worker sa ilalim ng Triple Win Agreement.
Nauna nang nagpadala ang Pilipinas ng mga nurse sa Germany sa ilalim din ng naturang kasunduan.
“Kaya ngayon, pa-pattern nila ‘yung ating framework for the deployment of nurses doon sa other skills nila,” ayon kay POEA Administrator Bernard Olalia.
Sa kasalukuyan, pinag-aaralan ng technical working group ang mga magiging kuwalipikasyon na dapat taglayin ng ipadadalang mga skilled worker.
Dahil government to government ang transaksyon, sa POEA dapat mag-apply ang mga interesadong magtrabaho sa Germany.
“Nandyan na po lahat ng other skills like, for example, sa medical field, sa technological field, sa IT, sa accountancy, sa engineering, sa lahat pa po ng professions na available,” ani Olalia.
Iaanunsyo umano ng POEA kung papaano at kailan puwedeng mag-apply kapag naisapinal na ang kasunduan.
Kasabay nito, nagbabala naman ang POEA sa publiko na mag-ingat sa mga illegal recruiter. --FRJ, GMA News