Iginiit ng suspek sa road rage incident sa Antipolo City, RIzal na siya ang ginitgit ng mga nakasuntukan niyang motorcycle rider, at bubunutan daw siya ng baril. Itinanggi naman ng anak ng isa sa mga biktima ang paratang at sinabing reckless magmaneho ang suspek habang sakay ng SUV na nakuhanan umano ng video.
Sa ulat ni EJ Gomez sa GMA News Unang Balita nitong Lunes, sinabing apat ang sugatan sa ginawang pamamaril ng suspek na nangyari sa Marcos Highway sa bahagi ng Barangay San Jose, nitong Linggo ng hapon.
Isa sa apat na sugatan ang kritikal ang kondisyon, habang kasama ng suspek ang isang babae na nadamay sa kaniyang pamamaril.
Ayon sa naarestong suspek, galing sila sa swimming sa Boso-boso nang mangyari ang insidente.
Mabilis daw ang takbo niya dahil hinahabol niya ang sasakyan na kasama nila sa convoy.
Pero itinanggi niyang ginitgit niya ang mga nakamotorsiklo, at sinabing naka-signal ang sasakyan niya.
Sa halip siya, pa umano ang ginitgit ng mga nakamotosiklo.
"Pagkahinto po sa akin, pinagmumura kaagad nila ako," ayon sa suspek.
Lumabas daw siya ng sasakyan nang makorner sa pinangyarihan ng gulo at doon na nangyari ang suntukan na nauwi sa pamamaril ng suspek.
Pero sa video footage ng isa sa mga rider na nadamay sa pamamaril, nakita na ang biglang pagsulpot ng SUV na minamaneho ng suspek mula sa kanan patungo sa highway na halos mapadikit na sa isang motorsiklo.
Sinabi ng rider na anak ng isa sa mga nabaril, reckless magmaneho ang suspek. Una umano nitong nagitgit ang motorsiklo ng kaniyang ama na muntik nang matumba.
Hinabol umano ng kaniyang ama ang SUV at nang abutan, doon na nangyari ang suntukan.
"Ang una pong sumapak ay yung driver sa daddy ko. So siyempre yung daddy ko bumawi lang siya, then ako nakikita ko nadedehado yung daddy ko to the resbak naman ako," kuwento ng rider.
Paliwanag naman ng suspek, pinagtulungan siya ng mga rider at may isang rider umano na bubunutan siya ng baril.
"Yung matanda po huminto sa akin bubunutan po ako ng baril. Bilang gun owner din ako mati-trigger po ako sa ganun. Saka ko po kinuha yung baril sa sasakyan. Tapos bigla pong sumugod pa sa akin yung matanda doon ko na po siya natamaan," paliwanag niya.
Ngunit iginiit ng anak ng rider na walang dalang baril ang ama niya.
Aabot sa walong basyo ng bala ang nakita sa pinangyarihan ng insidente.
Sinabi rin ng suspek na may lisensiya ang kaniyang baril na pangdepensa umano niya bilang isang negosyante.
Ayon kay Antipolo Component City Police Station Acting Chief Police Lt. Col. Ryan Lopez Manongdo, inaalam na nila kung may lisensiya ang baril ng suspek.
Pero kahit may lisensiya, sinabi ni Manongdo na bawal magdala pa rin ng baril dahil sa umiiral na gun ban ngayong panahon ng eleksyon.
Inihayag naman ni Rizal Police Provincial Office director Police Colonel Felipe Maraggun, na reklamong frustrated homicide ar paglabag sa gun ban ang isasampa laban sa suspek.
“Pini-prepare natin 'yung mga kasong frustrated homicide and violation din po ng Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at itong violation ng Omnibus Election Code dahil ongoing po ang ating election [gun] ban,” anang opisyal.
Sinabi ni Maraggun na tatlo sa apat tinamaan ng bala ang nakalabas na ng ospital.
“Na-discharge na po 'yung dalawang biktima. 'Yung Victim No. 1 ongoing pa 'yung surgery. And 'yung partner nitong ating suspect ay na-discharge na rin,” ayon sa opisyal. -- FRJ, GMA Integrated News