Bago nakilala bilang isang mahusay na aktres at TV host, naging overseas Filipino worker noong 1990s sa Japan at United Arab Emirates ang bagong Kapuso na si Pokwang.

Sa video ng GMANetwork.com, sinabing naging dancer at choreographer sa Japan noon si Pokwang, na Mariette Subong ang tunay na pangalan.

Mula sa Japan, lumipat naman siya sa UAE para maging domestic helper.
Nagkaroon ng break na makapasok sa showbiz si Pokwang nang manalo siya sa Clown In A Million noong 2004.

At bago niya nakilala ang life partner na si Lee O'Brian noong 2014, nagkaroon muna ng dating karelasyon na Hapon si Pokwang, at nagkaroon sila ng isang anak na si Ria Mae.

Samantalang noong 2018, nabiyayaan naman ang pagsasama nina Pokwang at Lee, ng isang sanggol na babae na si Malia.

Kamakailan lang ay pumirma ng kontrata si Pokwang bilang Kapuso at mapapanood siya sa "Pepito Manaloto," at  "Wish Ko Lang" --FRJ, GMA News