Nangangamba ang mga Overseas Filipino worker (OFW) na tatlong linggo nang stranded sa United Arab Emirates (UAE) na tuluyang maubos ang kanilang pera dahil sa travel restriction na ipinatutupad sa Pilipinas at hirap na makapag-apply sa repatration program.
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabi ni Hazel Mae Umali, na nagsimula siyang ma-stranded sa UAE mula nang matapos na ang kontrata niya bilang retail assistant noong May 31.
Nagpalista raw siya at iba pang OFW sa repatriation program ng Philippine Embassy pero sinabihan sila na aabutin ng tatlo hanggang anim na buwan ang pagproseso sa kanilang aplikasyon.
‘Yung application po for repatriation will take three to six months, and according to the Philippine Embassy, nasa 4,000 pa ‘yung pending application ng repatriation dito,” ani Umali.
Dagdag pa niya, nauubos na ang perang inipon nila na iuuwi sana nila sa kanilang pamilya sa Pilipinas.
Nangangamba rin siya na pagmultahan ng immigration ng UAE dahil paso na ang kanilang visa.
“Dahil po may travel ban sa Pilipinas, patuloy pa rin po ‘yung pag pa-fine nila sa amin. Lalo na po sa mga expired, overstaying. Everyday po, may fine po yun,” saad niya.
Sabi ni Umali, halos lahat silang mga OFW nabakunahan na ng COVID-19 vaccine at handa silang sundin ang health protocols sa Pilipinas.
“Sinasabi nila mga OFW ang bagong bayani kaya lang bakit parang pinagkakaitan kami na makapasok sa sarili nating bansa,” hinanakit niya.
Kabilang ang UAE sa mga bansang nagpatupad ng travel restriction ang Pilipinas hanggang sa June 30, bilang pag-iingat sa bagong variant ng COVID-19.
Pero nilinaw ng Inter-Agency Task Force, na hindi kasama sa travel restriction ang mga uuwing OFW.
Ayon kay presidential spokesperson Harry Roque, inaasikaso na ng pamahalaan ang kahilingan ng mga stranded OFWs.
Inatasan din ni Labor Secretary Silvestre Bello ang labor official sa UAE na asikasuhin ang hinaing ng mga stranded OFWs. — FRJ, GMA News