Humingi ng tulong ang isang grupo ng mga Pinoy seaman na 17 buwan nang stranded sa isang barko sa China matapos na madawit sa legal proceedings ang kanilang sinasakyan.
Ibinahagi ng grupo ang kanilang karanasan sa House Committee on Overseas Workers Affairs briefing kaugnay sa epekto ng COVID-19 pandemic sa mga OFW, ayon sa ulat ni Cedric Castillo sa GTV "Balitanghali" nitong Biyernes.
"Labing-tatlo po kaming tripulante... Chinese government po. Magmula noong January, pagkatapos ng discharge, na-detain na po kami at hinostage kami ng Chinese government," sabi ng seafarer na si Leonardo Lansang Jr.
"Wala na po kaming magawa dahil 'yung aming passport ay kinuha na po ng Chinese court," dagdag ni Lasang.
Sinabi ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na mahirap pang masabi sa kasalukuyan kung kailan makakabalik ng Pilipinas ang mga seafarer dahil sa travel restrictions sa pagitan ng China at Pilipinas dahil sa pandemya.
"'Yung barko po kasi ninyo is embroiled in illegal proceedings. May kaso po 'yung may-ari ng barko sa isang owner dahil 'yung barko ibinenta. Ngayon ang sabi noong owner, kailangan ata 'yung inyong testimonya kaya kayo medyo natengga," paliwanag ni POEA chief Bernard Olalia sa mga OFW.
"Pinagsabihan na po namin na i-prioritize ang inyo pong repatriation. The good thing is while you are there and during the time po na nag-expire ang inyong kontrata, you will continously receive your salaries," dagdag ni Olalia.
Pero sa kabila ng pahayag ng POEA, inihayag ng mga seafarer ang kanilang pangangamba na hindi nila matanggap ang kanilang suweldo para sa mga buwan na hindi sila pinahintulutang makauwi.
"Habang nandito kami, patuloy naman kaming nagtatrabaho kaya dapat lang na magkaroon kami ng suweldo. The fact is, Mr. chair, 'yung pagtengga na bakit kami tumagal nang ganito?" sabi ni Lansang.
Sinabi naman ni Olalia na inatasan na nila ang Magsaysay Maritime Corporation na bayaran ang kanilang basic monthly pay na retroactive mula noong panahong natigil ang pagbabayad sa kanila.
"We have been working tirelessly to ensure their welfare and have advocated for their rights every step of the way since we learned of the situation on board the ship. We too, want nothing less than the crew's immediate repatriation and the prompt payment of what is owed them," sabi ng Magsaysay Maritime Corporation sa isang pahayag.
"Unfortunately, and much to our regret and frustration, this is easier said than done because of legal and regulatory considerations. The ship and its owners are currently embroiled in legal proceedings affecting not only their interests, but the crew's as well," dagdag ng Magsaysay Maritime Corporation.
Sinabi naman ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na makikipag-ugnayan ito sa Department of Foreign Affairs para iparating sa consulate ang mga pangangailangan ng mga seafarer.
Sa hiwalay naman na interview sa Balitanghali, sinabi ni Olalia na inatasan na ng POEA ang agency ng mga seafarer na asikasuhin ang kanilang mga pangangailangan, kabilang ang kanilang mga pagkain at medikal.
--Jamil Santos/FRJ, GMA News