Nagpapasaklolo ang dalawang OFW sa Kuwait dahil sa pagmamalupit umano ng kanilang amo. Pero matapos ang panawagan nila, hindi na raw sila makausap ng kanilang mga kaanak na nasa Pilipinas kaya nag-aalala sila.
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, ipinakita ang video ng mga OFW na nanawagan ng tulong dahil sa nararanasang paghihirap sa kamay ng amo.
“Kasi minamaltrato po kami ng aming amo. Nagagalit na siya sa akin ng wala kadahil-dahilan. Pagkatapos, matagal na po pinapadlockan kami ng pinto,” ayon sa OFW na si Ruby, 66-anyos.
Ilan taon na raw nagsisilbi sina Ruby at Rose nais na sana nilang magbitiw sa trabaho para makabalik na sa Pilipinas.
Mula nito, nagsimula na raw magbago ang pakikitungo sa kanila.
“Binubulyawan kami diyan sa labas. Kahit hindi kaya, kinakaya na lang. Pero talgang suko na ako. Gusto ko na umuwi. Ito’y nilihim ko lang sa pamilya ko pero hindi ko na talaga nalihim,” saad niya.
Dahil sa edad at may nararamdaman na rin sa katawan, nais na ni Ruby na umuwi para makapiling na ang pamilya sa Pilipinas.
Nang ikulong si Ruby ng amo, sikreto siyang dinalhan ni Rose ng pagkain. Pero nahuli si Rose kaya pati siya ay ikinulong na rin ng amo.
“Ako po may sakit na po ngayon na ulcer po kasi pinapadlockan po kami nila hanggang hindi po kami makakain sa oras. Atsaka naawa po kami sa kasama namin,” sabi ni Rose.
Ayon sa kapatid ni Ruby, idinulog na nila sa Philippine Overseas Labor Office sa Kuwait at tinawagan na ang amo ni Ruby.
Pero lalo raw naghigpit pa at nagalit ang amo nina Ruby.
“Mula nung tumawag ‘yung OWWA POLO sa amo parang doon na naghigpit. Parang bantay sarado na sila, hindi na ma-contact,” anang kapatid ni Ruby.
Sinabi naman ng Undersecretary for Migrant Affairs na ipinaalam na sa Philippine Embassy sa Kuwait ang sitwasyon ni Ruby at dalawa pang Pinay, at inaaksyunan na ito.
Taong 2018 nang magkaroon ng memorandum of agreement ang Kuwait at Pilipinas na papangalagaan at poproteksyunan ang mga OFWs sa nabanggit na bansa sa Gitnang Silangan.--FRJ, GMA News