Isang overseas Filipino worker (OFW) na uuwi na sana sa  Pilipinas ang natagpuang patay at may saksak sa leeg sa kaniyang tinutuluyan sa Riyadh, Saudi Arabia. 

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, kinilala ang biktimang OFW na si Reandro Molino.

Ayon sa misis ni Reandro na si Susan, noong Mayo 18 ay nabanggit sa kaniya ng mister sa pamamagitan ng chat na masama ang kaniyang pakiramdam na tila lalagnatin matapos maturukan ng second dose ng COVID-19 vaccine.

Kaagad umanong nagpaturok ng COVID-19 vaccine si Reandro dahil sa plano nitong bumalik na sa Pilipinas sa July.

Noong araw din ng Mayo 18 sa palitan nila ng chat ng mister, nagsabi ang OFW na magpapatingin siya sa ospital dahil "nasa loob" ang lagnat niya.

Kasunod nito ay nabanggit din umano ng mister na "wait lang" dahil may problema siya pero hindi binanggit ang detalye.

Kinagabihan ng naturang araw din, tumawag umano sa kaniya ang manager ni Reandro para ibalita na natagpuan ang kaniyang mister na walang buhay at may saksak sa leeg.

Lumilitaw umano sa mga paunang imbestigasyon na may indikasyon na sinasaksak ni Reandro sa sarili, bagay na hindi pinapaniwaan ng kaniyang pamilya.  

"Sinasabi nila, Inisyal nila ganun sir, maggaganun...hindi sir. Hindi niya gagawin yun gagawin sa sarili niya," ani Susan.

Ang kapatid ni Reandro na si Melchi Montecarlos, hinihinala na may nagplano sa pagpatay sa biktima.

Wala raw silang alam na kaaway si Reandro sa trabaho kung saan isa siyang safety technician.

 

 

Umaapela si Susan kay Pangulong Rodrigo Duterte upang mabigyan ng hustisya ang biktima.

Ayon kay Philippine Ambassador to Saudi Arabia Adnan Alonto, nagtalaga na sila ng embassy case officer upang makipag-ugnayan sa pulisya ng Saudi Arabia police at kompanya ni Reandro para matutukan ang kaso at maiuwi ang kaniyang mga labi.

Nakiusap din ang embahada ng Pilipinas sa KSA na hintayin ang resulta ng imbestigasyon ng mga awtoridad ang iwasan ang magbigay ng mga haka-haka sa nangyari.— FRJ, GMA News