Isang babaeng pulis na may lahing Asyano ang inatake ng isang "homeless" na lalaki sa San Francisco, California.
Sa video ng GMA News Feed, makikita na nilapitan ng pulis ang lalaki at nakatakda sana niyang kapkapan kung may itinatagong armas sa katawan nang bigla siyang sunggaban ng lalaki.
Rumesponde ang pulis sa naturang lugar sa Chinatown dahil sa reklamo na nanira ito ng mga pinaparentahang scooter at nagbabanta sa buhay ng mga Asyano.
Pero sa laki ng lalaki, naitumba niya at naibabawan ang pulis.
Mabuti na lang at may apat na lalaking tumulong sa pulis habang hindi pa dumarating ang kasamahan niyang pulis.
Nakilala kinalaunan ang umatakeng lalaki na si Gerardo Contreras.
Lagi raw ipinagmamalaki ni Contreras sa Chinatown na bihasa siya sa pagpatay sa mga Asyano.
Napag-alaman na dati na ring may inatakeng pulis si Contreras.
Ayon sa San Franciso police, kulang sila sa tauhan kaya mag-isa lang noon ang babaeng pulis na rumesponde sa lugar.
Nagpasalamat sila sa mga sibilyan na tumulong sa kanilang kasamahan.
Nangyari ang insidente sa gitna nang dumadaming kaso ng hate crimes laban sa mga Asyano sa Amerika.--FRJ, GMA News