Nagpatupad ng travel restriction ang Vanuatu matapos na magpositibo sa COVID-19 ang bangkay ng isang Pinoy na napadpad sa kanilang dalampasigan.
Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabi ng kanilang impormante na mula sa gobyerno, na ang Pinoy ay isang tripolante ng isang sasakyang pandagat na umalis ng Port Vila, isang araw bago nakita ang kaniyang katawan sa dalampasigan.
Nagnegatibo naman sa virus ang mga katrabaho ng Pinoy at mga pulis na kumuha sa katawan ng biktima, ayon sa impormante na tumangging pabanggit ang pangalan dahil hindi siya awtorisado na magsalita tungkol sa insidente.
Hindi pa malinaw kung paano at kailan nasawi ang Pinoy.
Tatlo pa lang ang naitatalang COVID-19 cases sa naturang Pacific island nation, na ang mga kaso ay pawang mga dumating lang sa kanilang bansa na mayroong 200,000 populasyon.
Ayon sa National Disaster Management Office, sinisikap nilang maiwasan na magkaroon ng hawahan sa kanila mismong mga kababayan o local transmission.
Nagpatupad ng three-day ban simula sa Lunes para sa lahat ng outward domestic at international travel mula sa Efete, kung saan naroon ang Port Vila at ang malaking bilang ng kanilang populasyon.
"[The] public are strongly advised to remain calm and maintain safe and healthy hygiene practices at all times," ayon sa abiso. — AFP/FRJ, GMA News