Trahediya ang sinapit ng isang Pinay na dating nagtatrabaho sa Dubai nang buhusan siya ng asido ng isang babaeng Kenyan na nagselos sa kaniya.

Sa episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho” nitong Linggo, sinabing liwanag na lang ang naanig ng mga mata ni Annalynn Macarandan.  Pero ang isa niyang mata, halos magsara na.

Kuwento niya, taong 2007 nang magtungo siya sa Dubai para magtrabaho at doo niya nakilala ang Kenyan na si “George.”

Noong Marso 2018, nagtungo si Annalynn sa lugar ni “George’s” para kunin ang kaniyang sapatos na nadala nito noong mag-swimming sila kasama ang iba pang kaibigan.

Matapos nito, gagamit sana siya ng palikuran pero habang naghihintay na matapos ang tao sa loob, may nagbuhos na ng asido sa kaniya mula sa ulo at dumaloy pababa.

“Dito sa ulo ko. Nagpo-flow siya pababa ng mata ko, balikat ko, sa arms ko. And then, itong mga legs ko,” kuwento ni Annalynn na nakauwi na sa Pilipinas.

Dinala sa ospital si Annalyn at doon nakita ang tindi ng pinsala na kaniyang tinamo mula sa ulo, mukha, at maging sa katawan.

Nadakip naman ang mga awtoridad ang babaeng Kenyan, na ayon kay Hans Cacdac, ng Overseas Workers Welfare Administration, ay katrabaho ni “George."

Nalaman kinalaunan ni Annalynn na karelasyon ni “George” ang babaeng Kenyan at inakalang may relasyon din sila ng lalaki.

Ayon kay Annelyn, nanligaw sa kaniya si "George" noon pero hindi niya tinanggap dahil mas bata ito sa kaniya.

Dahil sa pinsalang tinamo, sumailalim si Annalynn anim na reconstructive surgery. Pinayuhan naman siya na sa Pilipinas na ipagamot ang kaniyang mata dahil sa mas mahusay umano ang mga Pinoy sa naturang operasyon.

May pag-asa pa kayang makakita si Annalynn at ano na ang takbo ng kaniyang kaso laban sa babaeng Kenyan? Tunghayan ang buong episode sa video na ito ng "KMJS."

--FRJ, GMA News